Calendar
PaG-prayoridad ng Kongreso sa legalisasyon ng Mc taxi, ikinagalak ng House Committee on Metro Manila Dev’t
IKINAGALAK ng House Committee on Metro Manila Development ang pagbibigay prayoridad ng Kamara de Representantes sa legalisasyon ng mga “motorcycle taxi” kasunod ng gagawing pag-reporma sa kasalukuyang regulasyon ng Transport Network Vehicle Services (TNVS).
Ayon kay Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano, Chairman ng Committee on Metro Manila Development, ang direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ay nagpapakita kung gaano ka-seryoso ang pamahalaan para matulungan libo-libong commuters.
Sinabi ni Valeriano na ipinakita lamang ng Pangulong Marcos, Jr. ang pagnanais nitong mabigyan ng maraming alternatibo ang mga commuters sa pamamagitan ng kaniyang suporta para gawing legal operasyon ng mga motorcycle taxi kasabay na rin ng pag-regulate sa TNVS.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Valeriano na malaki ang naitutulong ng mga motorcycle taxi para sa mga tinatawag na “low income” Filipinos na ang kaya lamang ay sumakay ng motorsiklo papasok sa kani-kanilang trabaho. Kaya napakahalaga na mabigyan ng prayoridad ang nasabing panukala.
Pinapurihan din ng kongresista si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na nagsabing layunin ng panukala na matugunan ang mga legal na balakid para sa legal na pagbiyahe ng mga motorcycle taxi na ipinagbabawal ang pagbiyahe nito sa mga lansangan base sa kasalukuyang batas.
Sa oras na maging legal ang operasyon ng mga motorcycle taxi, naniniwala si Valeriano na maraming Pilipino ang mabibigyan ng trabaho at kabuhayan mula sa industriya ng motorcycle taxi.
Habang layunin naman ng panukalang batas na matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Bilang Chairman ng Committee on Metro Manila Development, ipinabatid pa ni Valeriano na maituturing na isang “welcome development” ang pagbibigay prayoridad ng Kongreso sa nasabing panukala.