Habagat

PAGASA: Habagat season na, humanda sa tag-ulan

185 Views

IDINEKLARA ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Huwebes ang pagsisimula ng Southwest Monsoon, o Habagat, season, na hudyat ng papalapit na pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.

Ayon sa PAGASA base sa kanilang obserbasyon at pagsusuri, nakaranas ng madalas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat sa nakalipas na limang araw, na indikasyon ng pagsisimula ng rainy season.

Gayunman, nilinaw ng weather bureau na maaari pa ring magkaroon ng tinatawag na “monsoon break” o pansamantalang paghina ng pag-ulan na maaaring tumagal ng ilang araw o linggo.

Nagbabala rin ang PAGASA na posibleng lumakas pa ang epekto ng Habagat sa mga susunod na buwan dahil sa nakaambang El Niño phenomenon, na maaaring magdulot ng mas maraming pag-ulan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Pinayuhan ng PAGASA ang publiko at mga ahensya ng pamahalaan na maghanda at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat laban sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang panganib na dulot ng tag-ulan at Habagat.

Patuloy namang mino-monitor ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa bansa upang makapagbigay ng napapanahong impormasyon at babala sa publiko.