Calendar
Imbestigasyon ng Blue Ribbon laban sa miyembro ng House prosecution team pinagdududahan ni Adiong
NAGHIHINALA si House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na mistulang pinupuntirya ng ilang Senador na kaalyado ni dating Senate President Alan Peter Cayetano ang mga House prosecutor matapos idawit ang ilan sa mga ito sa tinaguriang “bogus” na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Dahil dito, hindi maiwasan ng Muslim solon na magpahayag ng malaking pagdududa hinggil sa inilarawan nitong pagtatangka at pagsisikap ng mga Senador mula sa Cayetano bloc na siraan ang mga mambabatas ng Kamara de Representantes na kasangkot o lalahok sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Ang isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, pagbibigay diin ni Adiong, ay tila sinasadyang ilihis ang diskusyon sa isyu flood control project habang isinentro naman ang imbestigasyon sa mga alegasyong kinasasangkutan ng mga miyembro ng Kamara kabilang na ang mga natalagang prosecutor at opisyal na lalahok sa nakatakdang paglilitis kay Duterte.
“Ang hearing na ito ay tila hindi na lamang tungkol sa flood control projects. Sa halip, kapansin-pansin na ang mga pangunahing tinatamaan at inaakusahan ay mga miyembro ng Kamara, kabilang ang mga House prosecutors at mga opisyal na may papel sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte,” pahayag ni Adiong.
Ipinagpatuloy ng ilang Senador na sumusuporta kay Cayetano ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahit na napatalsik na siya ni acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa naturang pagdinig, inakusahan ng 18 dating Marines ang mga miyembro ng House prosecution team, mga dati at kasalukuyang mambabatas na sumusuporta sa impeachment ni Duterte at iba pang personalidad ng pagtanggap ng kickbacks na may kaugnayan sa imbestigasyon sa flood control.
Gayunman, walang namang iprinintang konkretong ebidensya ang mga testimonya at marami sa mga pangalan ang nabanggit lamang sa pagdinig sa kabila ng mga ulat na umiikot na ang mga alegasyon mula pa noong huling bahagi ng 2025. Itinanggi ng mga kasangkot na mambabatas ang mga akusasyon at kinuwestiyon ang tiyempo ng mga ito.
Binigyang-diin ni Adiong na hindi pa man nagsisimula ang Senate impeachment trial, wala pang inihaharap na mga testigo at wala pang pormal na ebidensya ang naisusumite. Subalit may mga pagtatangka na umanong sirain ang kredibilidad ng mga kasapi ng House prosecution team sa pamamagitan ng pagbabalatkayo bilang imbestigasyon sa flood control.
“Ito ba ay isang lehitimong imbestigasyon, o isang pagtatangka na pahinain ang mga mag-uusig bago pa man magsimula ang paglilitis? Kapag hindi kayang sagutin ang ebidensya, sisiraan na lamang ba ang mga maghahain nito?” tanong ng mambabatas.
Sinabi pa ng kongresista na ito ay nagdulot ng seryosong pangamba kung ang mga pagdinig ba ay lehitimo pa ring pagsisiyasat sa mga isyu ng flood control o kung ginagamit na ang mga ito upang pahinain ang posisyon ng mga House prosecutor bago ang impeachment proceedings.
“Ang impeachment ay isang prosesong itinatadhana ng Konstitusyon. Ang mga House prosecutors ay gumaganap lamang ng tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng batas at ng sambayanan,” sabi pa nito.

