Villanueva

Pagkakapsa sa RTI Bill ikinagalak ni Bro. Eddie

Mar Rodriguez Jun 5, 2026
158 Views

IKINAGALAK ni Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) Party List Rep. Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva ang pagpapatibay ng Kamara de Representantes sa Right to Information (RTI) Bill na matagal na nitong inaantay na maipasa.

Malugod na tinanggap ni Villanueva ang pinal na pagpapatibay ng Mababang Kapulungan sa House Bill 9397 o ang panukalang RTI Bill na inilarawan ng mambabatas bilang isang makasaysayang sandali sa matagal ng pinagsisikapang gawing institusyon ang transparency, pananagutan, at partisipasyon ng publiko sa pamahalaan.

Ang House Bill No. 9397, sabi ni Bro. Eddie, ay consolidation ng iba’t ibang panukala kabilang ang House Bill No. 634 o ang People’s Right to Information Act na inihain ng CIBAC Party List bilang kauna-unahan nitong panukalang batas sa ika-20 na Kongreso.

Patuloy na isinusulong ng CIBAC Party List, paliwanag pa ni Villanueva, ang pagpasa ng batas sa Freedom of Information simula pa noong 12th Congress na nagpapatunay lamang na ang transparency at mga reporma laban sa korapsyon ay kabilang sa pinaka-matagal na nitong adbokasiya at programa.

Sinabi din ng kongresista na nagtatatag ang HB No. 9397 ng isang malinaw at maipapatupad na balangkas at mga pamamaraan kung saan ang mga mamamayan ay maaaring makakuha ng impormasyon mula sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Lumilikha ito ng legal presumption, ayon pa kay Bro. Eddie, pabor sa transparency at ganap na pagsisiwalat habang kinikilala naman ang mga lehitimong alalahanin sa privacy, pambansang seguridad at kaukulang proseso (due process) sa pamamagitan ng mga partikular at limitadong exceptions.

“Matagal nang naghihintay ang mamamayang Pilipino. Ang repormang ito ay ilang henerasyon nang nakabinbin. Ngayon, mas malapit na tayo kailanman sa pagtatatag ng kultura ng pagiging bukas, may pananagutan, at integridad sa pamahalaan. Ang Right to Information Bill ay isang mabisang sandata laban sa korapsyon. Ito ang nawawalang piyesa sa arsenal ng ating bansa laban sa korapsyon,” wika ni Villanueva na isa sa mga pangunahing may-akda ng House Bill 9397.

“Sa napakahabang panahon, ang mga tiwaling gawain at iregularidad ay nalalaman lamang pagkatapos mangyari o kapag nagasta na ang pondo ng bayan. Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, ang ating mga pagsisikap laban sa korapsyon ay magiging maaga at maagap (pro-active) na, dahil ang itinakdang ganap na pagsisiwalat ng lahat ng transaksyon ng pamahalaan ay pipigil sa korapsyon bago pa man ito mangyari,” dagdag ng mambabatas .