Calendar
KALINGA Bill aprubado na sa Kamara
INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagtatatag ng isang “national emergency response at resiliency framework” upang protektahan ang mga Pilipino mula sa epekto ng mga pandaigdigang krisis katulad ng krisis sa enerhiya at supply disruptions.
Sa pamamagitan ng botong 294-3 at walang abstention, inaprubahan ng mayorya ng mga mambabatas ang House Bill No. 9305 na nagpapairal bilang institusyon sa programang Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance (KALINGA).
Nagbibigay din ito sa Pangulo ng Bansa ng mga kapangyarihang pang-emerhensya (emergency powers)—na may mga pananggalang at pangangasiwa ng Kongreso—upang protektahan ang ekonomiya, tiyakin ang suplay ng enerhiya, at panatilihin ang mga mahahalagang serbisyo sa panahon ng mga krisis.
Ang panukala ay pangunahing inakda nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na sinuportahan naman ng 146 kongresista bilang mga co-author.
Idinisenyo ang KALINGA bill, ayon kay Speaker Dy, upang matiyak na ang mga karaniwang Pilipino ay hindi papasan sa buong bigat ng mga krisis na hindi nila kontrolado.
“Hindi natin kontrolado ang mga digmaan, geopolitical conflicts o iba pang pandaigdigang krisis. Pero kontrolado natin kung gaano tayo kahanda at kung gaano natin napoprotektahan ang ating mga kababayan mula sa epekto ng mga ito,” wika ni Speaker Dy.
Ang KALINGA bill, sabi pa ng House Speaker, ay hindi lamang emergency response program. Isa aniya itong pambansang pananggalang upang hindi agad mabura ng isang pandaigdigang krisis ang pinaghirapan ng mga pamilyang Pilipino lalo na ang mga manggagawa, mga magsasaka at maliliit na negosyante.
Sinabi ni Dy na ginagawang permanenteng sistema ng panukala ang mabilis at mapagpasyang pagtugon ng pamahalaan sa panahon ng mga emerhensya na nagbabanta sa katatagan ng ekonomiya, seguridad sa enerhiya, at paghahatid ng mga pangunahing serbisyo.
“Ang tunay na sukatan ng mahusay na pamahalaan ay hindi kung paano ito kumikilos kapag maayos ang lahat. Nasusukat ito sa kakayahan nitong protektahan ang mamamayan kapag may krisis. Iyan ang layunin ng KALINGA,” dagdag pa ni Dy.
Lumilikha ang panukalang batas ng permanenteng balangkas para sa interbensyon ng pamahalaan sa panahon ng mga pambansang emerhensya na dulot ng pagkagambala sa suplay ng langis, pandaigdigang krisis sa ekonomiya, armadong tunggalian, pandemya, at iba pang krisis na nagbabanta sa katatagan ng ekonomiya at kapakanan ng publiko.
Binibigyan nito ng awtoridad ang Pangulo, sa rekomendasyon ng KALINGA National Response Council, na magdeklara ng state of national energy emergency sa ilalim ng mga malinaw na itinakdang kondisyon at magpatupad ng mga hakbang-pang-emerhensya na may takdang panahon.

