Garin

Pagbabalik session ng Senado pinapurihan ni Garin

Mar Rodriguez Jun 5, 2026
168 Views

PINAPURIHAN ni House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette L. Garin ang pagbabalik session ng Senado matapos ang ginawang pamamahala ng bagong mayorya sa ilalim ng pamumuno ni Senate Pro Tempore Win Gatchalian bilang acting Senate President.

Ang pagbabalik ng operasyon ng Senado, ayon kay Garin, ay isang
magandang balita para sa buong mamamayang Pilipino matapos ang ilang araw na pagka-paralisa na nagpapakita ng commitment ng Senado na gampanan ang mga konstitusyonal na responsibilidad nito at maglingkod sa mamamayang Pilipino.

Kasabay nito, pinasalamatan din ni Garin sina Senators Francis “Chiz” Escudero at Gatchalian dahil sa pagtulong nila na maibalik ang kaayusan at operasyon sa Mataas na Kapulungan upang muling umusad ang mga legislative duties ng Senado na naantala ng ilang araw.

“Ang desisyon ng Senado na magbalik sa trabaho ay magandang balita para sa mamamayang Pilipino. Pinakamahusay na nagagana ang ating mga institusyon kapag inuuna ng mga opisyal ng pamahalaan ang tungkulin sa Konstitusyon kaysa sa mga pagkakaibang pampulitika, at nagtutuon sa trabahong kailangang matapos,” ani Garin.

Nagbalik ang sesyon sa Senado nakaraang nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore na siyang namuno sa mga pagdinig na nagtapos sa ilang araw na kawalan ng katiyakan na nagpatigil sa tungkulin ng Senado habang nakabitin ang mga nakasalang na panukalang batas.

Ang desisyon ni Escudero, sabi ni Garin, na lumipat sa hanay ng minorya ay nakatulong upang magkaroon muli ng working quorum ang kapulungan at maipagpatuloy ang mandato nito.

“Ang ginawa ni Sen. Chiz Escudero ay isang patunay ng pagiging estadista (statesmanship) at institusyonal na responsibilidad. Sa isang kritikal na sandali, pinili niya ang landas na nakatulong sa Senado na umusad at magpatuloy sa paglilingkod sa publiko,” pahayag nito.

Pinuri rin niya si Gatchalian sa pagtanggap ng responsibilidad na pamunuan ang kapulungan sa panahon ng pagsubok.

“Nagpakita si Sen. Win Gatchalian ng matatag na pamumuno sa pamamagitan ng pagtulong na magkaroon ng pagpapatuloy at katatagan sa panahong kinakailangan ito ng Senado. Ang kanyang kahandaang magsilbi sa isang mahalagang papel sa institusyon ay nakatulong upang maibalik ang tiwala na kayang ipagpatuloy ng kapulungan ang trabaho nito,” wika ni Garin.