Calendar
Panukalang batas laban sa fake news pasado na sa Kamara
PASADO na sa Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang isang “priority bill” na naglalayong labanan ang organisadong disimpormasyon, operasyon ng mga troll farm at iba pang malisyosong kasinungalingan sa online sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga “fake news” habang pinangangalagaan ang kalayaan sa pagpapahayag.
Sa pamamagitan ng botong 286-3 at pitong abstention, inaprubahan ng Mababang Kapulungan sa pamumuno ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang House Bill No. 9465 o ang iminumungkahing Digital Media Anti-False Information Act.
Ang naturang panukala na prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ay isinulong ni House Committee on Public Information Chairman – Cagayan de Oro City Rep. Lordan Suan.
Sinabi ni Speaker Dy na tugon ang panukalang batas sa lumalaking banta ng mga sadyang kampanya ng disimpormasyon sa social media na nagpapahina sa tiwala ng publiko, sumisira sa diskurso ng mamamayan at nagbabanta sa mga demokratikong institusyon.
“Ang disimpormasyon ay naging isang makapangyarihang sandata na kayang magligaw sa mga komunidad, sumira ng mga reputasyon, manggulo sa mga demokratikong proseso, at magbanta sa pambansang seguridad. Hindi maaaring manood lamang ang pamahalaan habang sinasamantala ng mga malisyosong aktor ang mga digital platform para magkalat ng mga sadyang kasinungalingan at magdulot ng tunay na kapahamakan,” sabi ni Speaker Dy.
Nagpapataw ang panukalang batas ng parusang anim hanggang 12 taong pagkabilanggo at multa mula P500,000 hanggang P2 milyon sa mga taong mapatutunayang nagkasala sa maalam at sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon na may layuning magdulot ng mapatutunayang kapahamakan sa publiko o magbanta sa pambansang seguridad.
Target ng panukala ang mga organisadong troll farm, bot network, sindikato ng mga pekeng account, at mga operasyon ng impluwensya na pinopondohan ng dayuhan na idinisenyo upang manipulahin ang pampublikong diskurso at linlangin ang publiko.
Saklaw din ng panukala ang mga larawan, video, at audio na gawa o manipulado ng artificial intelligence (AI) na inilabas nang walang wastong pag-amin (disclosure) at may layuning iligaw ang publiko.
Binigyang-diin ni Dy na maingat na binalangkas ang panukala upang protektahan ang mga konstitusyonal na kalayaan.
“Hindi nito pinarurusahan ang kritisismo, pagtutol, oposisyong pampulitika, pamamahayag, o mga tapat na pagkakamali. Ang target nito ay ang mga sadya at organisadong pagsisikap na linlangin ang publiko at magdulot ng pinsala,” paliwanag pa ng House Speaker.
Nagtatakda ang panukalang batas ng mataas na pamantayan (threshold) para sa pananagutang kriminal at tahasang pinoprotektahan ang mga opinyong pampulitika, kritisismo sa pamahalaan at mga opisyal ng bayan, satire, pamamahayag, whistleblowing, akademikong diskurso, masining na pagpapahayag, at pagpapahayag ng relihiyon.
Malinaw din nitong isinasaad na ang pag-like, pag-share, pag-forward, o pag-repost lamang ng nilalaman ay hindi pinarurusahan, maliban na lamang kung mapatutunayan ng mga tagausig (prosecutors) nang walang makatwirang pagdududa na ang isang tao ay maalam at materyal na nakibahagi sa mga ipinagbabawal na aktibidad ng disimpormasyon.
Hinihiling din ng panukala sa mga digital platform na nagpapatakbo sa Pilipinas na magtatag ng legal na presensya sa bansa at sumunod sa mga pamantayan ng transparency, disclosure, at proteksyon sa gumagamit (user).

