Magsino

Pagbabalik ni Mary Jane Veloso sa Pilipinas, ikinagagalak ng OFW Party List

Mar Rodriguez Nov 21, 2024
76 Views

NAGPAABOT ng taos pusong kagalakan at pagpapasalamat ang kinatawan ng OFW Party List sa Kamara de Representantes na si Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino patungkol sa napipintong pagbabalik bansa ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Jane Veloso matapos ang mahabang panahong pagkakakulong nito sa Indonesia.

Dahil dito, sinabi ni Magsino na ang naging tagumpay sa kaso si Veloso na nakulong sa Indonesia ng napakahabang panahon ay resulta aniya ng masigasig na pananalangin, masinsinang diplomasya at pagsusulong ng adbokasiya ng pamahalaan.

Pinasalamatan din ni Magsino si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa naging pagsisikap nito upang mapalaya si Veloso sa pamamagitan ng pakikipag-usap at palikipag-diyalogo kay Indonesian President Prabowo Subianto.

Ipinaliwanag ng kongresista na si Mary Jane Veloso aniya ay simbolo ng napakaraming Pilipino na naging biktima ng human rights subalit sa kabila nito ay nananatili parin silang matatag at umaasa na makakamit nila ang katarungan.

Tiniyak naman ni Magsino na ang OFW Party List ay nakahandang magbigay ng suporta para kay Veloso upang masiguro na mapo-protektahan ang kaniyang kapakanan at kagalingan (welfare) kasunod nito ang kaniyang reintegration sa komunidad.

Binigyang diin pa ni Magsino na ang masamang karanasan ni Veloso ang dapat na magsilbing halimbawa upang mabigyan ng kaukulang importansiya ang pagkakaroon ng mas mahigpit na proteksiyon para sa mga OFWs kasabay ng pagpapa-igting sa kampanya laban sa human trafficking upang hindi na muling maulit ang mga kasong gaya kay Veloso.

“Maligayang pagbabalik Mary Jane. Nasa likod mo ang buong sambayanang Pilipino, patuloy naming isusulong ang laban para sa karapatan, dignidad at kapakanan ng bawat OFW,” wika ni Magsino.