ASF Source: FB post

Pagbakuna ng mga baboy sa Lobo laban sa ASF inumpisahan na

Cory Martinez Aug 30, 2024
173 Views

SINIMULAN na Biyernes, Agosto 30, 2024, ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabakuna sa may 50 na baboy sa Lobo, Batangas, na kung saan naitala ang maraming kaso ng African Swine Fever (ASF).

Pinangunahan ni DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica ang pagsasagawa ng controlled trial sa mga ASF vaccines na gawa at binili ng gobyerno sa Vietnam.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Palabrica na bago binakuhan ang mga naturang baboy, nagsagawa muna sila ng testing sa mga ito noong Huwebes upang matiyak na negative sa ASF virus ang mga ito.

Paliwanag ni Palabrica na kabilang sa mga panuntunan para maging mapabilang ang baboy sa bakunahan ay una, dapat may bio-security ang lugar; negative dapat ito sa ASF na malalaman sa pamamagitan ng PCR test sa laboratory at kailangan naka-cluster ang mga baboy para hindi maaksaya ang dala nilang bakuna.

Ayon pa sa opisyal, batay sa panuntunan ng Food and Drugs Administration (FDA), hindi puwedeng ibigay kahit na kanino ang mga bakuna dahil tanging sila lamang na nasa DA at Bureau of Animal Industry (BAI) ang dapat magpasimula nito at imomonitor nila kung ano ang resulta.

“Kung nakita naming na maayos ang kalalabasan, puwede naming i-replicate at para maraming baboy ang mabakunahan,” ani Palabrica.

Dagdag pa ni Palabrica na matapos mabakunahan ang mga baboy, kanila itong kukuna ng dugo matapos ang labing-apat na araw. Subalit, paliwanag nito na tuloy-tuloy pa rin ang pagbabakuna dahlia ayaw nilang aksayahin ang oras.

“Ilalatag na namin ang mga susunod na barangay na kung saan amin din susundin ang mga protocol sa pagbabakuna,” diin ni Palabrica.

Binunyag pa ng opisyal na ang mga bakuna na kanilang binili ay nakatuon sa mga backyard farm ng baboy dahil sila lubhang naapektuhan ng outbreak ng ASF.

Aniya, mahigit sa 15,000 na baboy ang naapektuhan sa Lobo kaya yung mga natitira na baboy ay kanilang babakunahan para makita nila kung kaya ng mga naturang bakuna sa itinuturing na red zone.

“After that, lilipat na kami sa ibang red zone at doon ilalatag ang bakuna. Ang sabi ko ‘let the pigs talk,’ ang ibig sabihin, pabayaan muna makita namin na mabuhay ang mga baboy dito sa red zone,” dagdag pa Palabrica.

Matapos ang bakunahan sa Lobo, isusunod umano ang pagbabakuna sa ibang bayan ng Batangas katulad ng Lipa, Rosario at Taysan bago sila lilipat sa Quezon province.

Muli namang nagpa-alala si Palabrica sa publiko na huwag matakot kumain ng baboy dahil sinisiguro nilang malinis at maayos ang mga baboy na ibinebenta sa mga palengke at supermarket.

“Huwag matakot ang mga consumer sa pagkain ng baboy sapagkat lahat ay ginagawa ng department ng agrikultura upang masigurado na ligtas ang binibili ng mga consumer. Ang BAI ang first border, ibig sabihin wala dapat makalusot na baboy na may sakit na papunta sa NCR, north o south at kapag nahuli, kino-condemn. Mahigit 300 na ang ibinaon namin sa lupa,” paliwanag ni Palabrica.

Binanggit pa nito na kapag pumasok sa slaughterhouse ang mga baboy, sinisiguro ng mga tauhan ng National Meat Inspection Service (NMIS) na malinis, walang tama, walang sakit ang mga baboy.

At kung naman may nakita na nagpasok ng may diperensiyang baboy, pinapasara ng NMIS ang slaughterhouse dahil kahit madaling araw ay nakatutok sila.

“Tinitignan nila kung yung mga laman loob ng baboy na kinatay ay mayroong diperensiya. Atsaka lang ito ilalabas. Ang importante malaman ng mga consumer na nakatutok itong DA. May mga seal ang mga baboy sa supermarket at wet market at umiikot din ang mga inspector para malaman yung mga karne. Malinis, maayos ang mabibiling baboy sa supermarket at wet market kapag dumaan sa NMIS,” pagtatapos ni Palabrica.