Calendar

Pagbubukas ng health centers, day care, pasilidad sa tulong ng Taguig ipinagbunyi ng 10 Embo bgy
NAGBUNYI ang mga residente ng 10 EMBO barangay nitong Lunes matapos muling buksan ng City of Taguig ang matagal nang hindi napapakinabangang mga pasilidad gaya ng health centers, day care centers, at multi-purpose buildings. Ito ay kasunod ng kautusan ng korte na nag-aatas sa Makati na tigilan ang pagharang sa legal na pagmamay-ari ng Taguig sa mga pasilidad na ito.
Sa Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas noong Mayo 5, iniutos ng Regional Trial Court ng Taguig sa pamahalaang lungsod ng Makati na itigil ang anumang uri ng panghihimasok sa pagpasok at pamamahala ng Taguig sa mga pampublikong pasilidad sa mga barangay ng EMBO.
Pinagtibay ng kautusang ito ang desisyon ng Korte Suprema noong 2022 sa G.R. No. 235316 na nagsasabing ang Barangays Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (kabilang ang Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, at Post Proper Southside ay nasasakupan ng teritoryo ng Taguig.
Kabilang sa mga pasilidad na ngayon ay nasa ilalim na ng Taguig ang mga health center, covered court, parke, day care center, at mga multi-purpose building—ilan sa mga ito ay isinara noon, dahilan upang mawalan ng akses ang mga residente sa mga pangunahing serbisyo.
Malugod na tinanggap ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang desisyon ng korte at iginiit ang layunin ng lungsod na tiyaking bukas at ganap na mapapakinabangan ng mga taga-EMBO ang mga pasilidad.
“Malaking tagumpay ito para sa mga taga-EMBO. Ngayong nasa Taguig na ang pamamahala ng lahat ng pasilidad na ito, titiyakin nating bukas at ganap na mapapakinabangan ito ng mga taga-EMBO—hindi isasara, hindi haharangan, kundi pagbubuksan para sa serbisyong noon pa man ay dapat nilang napapakinabangan,” ani Cayetano.
Isa sa mga residente ng Barangay Rizal, si Rosalinda Ines, ay nagpahayag ng tuwa at pasasalamat.
“Siyempre sobrang saya, kasi ang lapit na eh. Hindi na tulad dati na kailangan pang mag-Ususan. Malayo, tapos kung maselan ka pa sa biyahe, mahirap. Ngayon, walking distance na lang—nasa tapat lang ng bahay namin.”
Sa Barangay Pitogo, ibinahagi ni Nanay Fely Amido ang kanyang kasiyahan.
“Masayang-masaya po kami. Hindi na po kami kailangang bumiyahe sa malalayong lugar. Hindi na rin kami magtitiis sa ilalim ng tolda. Salamat kay Mayora at tinupad niya ang pangako niyang bubuksan ang health center namin.”
Samantala, si Rich, isang kabataang residente ng Comembo, ay natuwa sa pagbubukas ng kanilang multi-purpose complex.
“Ayos lang. At least ngayon meron na kaming lugar para makapaglaro ng football at ibang sports. Dati kasi, wala ni basketball court dito. Malaking tulong talaga sa mga kabataan na tulad ko.”
Sa paglalabas ng TRO, binigyang-diin ng korte ang “matinding pangangailangan” ng sitwasyon at binalaan na ang Taguig ay maaaring makaranas ng “matinding pinsala at hindi na mababawi pang perwisyo” kung hindi ito agad maaaksyunan.
Inihayag ng mga opisyal ng Taguig na magpapatuloy ang pagpapalawak ng mga serbisyo sa mga pasilidad ng EMBO sa mga susunod na araw, bilang bahagi ng integrasyon ng lungsod sa larangan ng kalusugan, edukasyon, at serbisyong panlipunan. Kasalukuyang inilalagay ang mga kagamitan upang masigurong ganap na magamit ng publiko ang mga pasilidad sa lalong madaling panahon.