Calendar
PAGCOR APP VS ILEGAL ONLINE GAMBLING TARGET ILUNSAD SA DEC.
TARGET ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ilunsad sa Disyembre 2026 ang isang mobile app na magagamit upang malaman kung lisensiyado ng ahensya ang isang online gaming platform.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, makatutulong ang app upang makaiwas ang mga manlalaro sa mga ilegal na online gaming site.
“This platform will give players a reliable way to verify which online gaming platforms are licensed by PAGCOR. We want the public to make informed choices and avoid falling prey to illegal operators,” ani G. Tengco.
Inaprubahan ng PAGCOR Board of Directors noong Oktubre 8 ang pagbuo ng app at ang panukalang pakikipagtulungan sa Development Bank of the Philippines Data Center, Inc. (DCI) para sa paggawa at pagpapatakbo nito.
Walang babayaran ang PAGCOR sa DCI para sa development, hosting, operasyon, maintenance at technical support ng app.
Bago ito tuluyang gamitin, kailangang isumite ng DCI sa PAGCOR ang paunang bersiyon ng app para masuri at maaprubahan. Tatagal nang anim na buwan ang pagsusuri sa mga feature, disenyo ng system, security measures at kakayahan nitong gumana nang maayos.
Maaari namang tapusin ng PAGCOR ang kasunduan kung hindi maaayos ng DCI sa itinakdang panahon ang mga problemang matutukoy sa pagsusuri.
Kailangan ding sumunod ang partnership sa mga batas tungkol sa data privacy at cybersecurity, kabilang ang Data Privacy Act of 2012. Isasama sa kasunduan ang mga tuntunin sa pagbabahagi at pagprotekta ng datos, o kaya ay gagawa ng hiwalay na data-sharing agreement.
Tatagal ng limang taon ang partnership at maaari itong i-renew kung kapwa sasang-ayon ang PAGCOR at DCI sa pamamagitan ng written agreement.
Nakikipag-ugnayan din ang PAGCOR sa Department of Information and Communications Technology, National Telecommunications Commission at Cybercrime Investigation and Coordination Center para mas mapigilan ang operasyon ng mga ilegal na online gambling site.

