Calendar
PAGCOR ipinag-utos pagbaklas ng mga billboard, OOH ad sa sugal
INUTUSAN ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang agarang pagtanggal ng lahat ng billboard at out-of-home (OOH) na patalastas ng sugal bilang bahagi ng pinaigting nitong regulasyon sa mga pagsusugal na promosyon sa pampublikong espasyo.
Sa isang memorandum na inilabas noong Hulyo 7, inatasan ng PAGCOR ang lahat ng may lisensya, supplier, system administrator, at operator ng gaming venues na alisin ang mga materyales ng patalastas ng sugal, kabilang na ang mga nakapaskil sa mga tren, bus, jeepney, at taxi.
Binigyang-diin ng ahensya na tanging mga institutional o responsible gaming campaigns lamang—na aprubado ng PAGCOR—ang papayagang ipalabas simula ngayon.
“Binigyan namin ng hanggang Agosto 15 ang lahat ng aming licensee at stakeholders para tuluyang alisin ang lahat ng patalastas na may kinalaman sa sugal,” ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco.
“Ngunit bago iyon, kinakailangan ding magsumite ng imbentaryo ng kanilang mga kasalukuyang billboard at wallscape advertisement sa Hulyo 16.”
Ayon kay G. Tengco, dapat isama sa imbentaryo ang sukat, materyales, lokasyon, petsa ng pag-expire ng rental contract, at kaukulang permit number mula sa Ad Standards Council (ASC).
Sinabi rin ng pinuno ng PAGCOR na ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang layunin na itaguyod ang mas ligtas at mas responsableng kapaligiran ng pagsusugal sa bansa.
“Bagamat mandato ng PAGCOR ang i-regulate ang industriya ng sugal at makalikom ng kita para sa pambansang kaunlaran, ayaw naming itaguyod ang kultura ng pagkaadik sa sugal,” aniya.
“Ang pag-regulate sa labis at laganap na mga patalastas ng sugal ay isang mahalagang hakbang upang maprotektahan ang mga bulnerableng sektor ng lipunan, lalo na ang kabataan.”
Nagbabala rin ang ahensya laban sa pagpapalit ng tinanggal na mga patalastas ng panibagong promosyon ng sugal, at binigyang-diin na ang hindi pagsunod ay may kaakibat na parusa.

