Calendar
Source: FB
Sunog na katawan nakita sa loob ng sako
NATAGPUAN ang sinunog na katawan ng isang hindi kilalang tao na nakahalo sa buhangin at nakasilid sa isang sako noong Huwebes sa Brgy. Balakilong, Laurel, Batangas.
Ayon kay PMajor Rhayan L. Olave, OIC police chief ng Laurel Municipal Police Station, ang sunog na katawan ng tao ay natagpuan sa Lake Shore Base sa isinagawang operasyon sa ilalim ni PLt. Col. Ganaban C. Ali, RC, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na ipinarating sa himpilan ng Laurel police.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-2:25 ng hapon nang matagpuan ang sunog na diumano’y katawan sa loob ng sako na puno ng buhangin.
Ang operasyon ng mga awtoridad ay pinangunahan ng grupo na binubuo ng CIDG, ni Commodore Geronimo Tuvila, provincial director, PCG Regional Intelligence Unit sa pamumuno ni PEMS Garizalde Atienza at IMEG sa pamumuno ni PEMS Christhoper Genil.
Nakatakda naman silang humingi ng tulong sa Provincial Forensic Unit at Scene of the Crimes Operatives o SOCO para sa technical investigation. Nina GIL AMAN & JOJO MAGSOMBOL

