Castro Palace Press Officer Claire Castro

Pag-uulat ng paggamit ng pondo ng OVP di nangangahulugang wastong paggastos – Palasyo

323 Views

ANG pagtanggap ng “unmodified opinion” mula sa Commission on Audit (COA) ay hindi nangangahulugang ginastos nang tama ng Office of the Vice President (OVP) ang pondo nito, ayon sa Malacañang nitong Biyernes.

“Liwanagin po natin ang unmodified opinion na ibinibigay po ng COA para po hindi masyadong maguluhan ang ordinaryong Pilipino,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

“Kapag sinabi po kasing unmodified opinion, ito po ay tumutukoy lamang sa presentasyon ng financial statement. So, ibig sabihin, sumunod lang po sa financial reporting framework, kumbaga iyong format. Kung ano ‘yung laman, nagbalanse,” sinabi ni Castro.

Ang pahayag ni Castro ay kasunod ng pagkakatanggap ng OVP ng “unmodified opinion” mula sa COA para sa fiscal year 2024.

Ang unmodified opinion, na tinatawag ring unqualified opinion, ay ibinibigay kapag napagpasyahan ng COA auditor na ang mga financial statement ay “inilathala, sa lahat ng makabuluhang aspeto, ayon sa naaangkop na financial reporting framework.”

Batay sa pahayag ng COA, “ang kalakip na financial assessments ay tapat na nagpapakita, sa lahat ng makabuluhang aspeto, ng kalagayang pinansyal ng OVP noong Disyembre 31, 2024.”

Gayunpaman, nilinaw ng COA na ang unmodified opinion ay “hindi nangangahulugang walang mga kamalian na natuklasan sa audit, o walang mga kamaliang hindi naitama sa pagtatapos ng taon.”

Ayon kay Castro, ang tamang pag-uulat ng paggamit ng pondo ng OVP para sa 2024 ay hindi awtomatikong nangangahulugang tamang paggastos.

“Hindi po ito nagpapatunay na walang anomalya. Iba po ‘yung tama ang pag-report at iba ‘yung tama ang paggamit ng pondo,” aniya, at binigyang-diin na ang opinyon ng COA ay hindi tumutukoy sa “compliance and performance audit.” Philippine News Agency