Sugal

Paggamit ng e-wallets sa online gambling hiniling i game over

273 Views

NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano sa mga kumpanyang nag-o-operate ng e-wallets na agad kumilos upang pigilan ang paggamit ng kanilang mga platform sa online gambling.

Sa isang livestream noong Hulyo 7, inilahad ni Cayetano ang kanyang panawagan sa mga e-wallet providers: “Konting advice sa mga e-wallets: Tumulong kayo sa bayan. Huwag n’yo nang ipagamit ang inyong platform sa pagsusugal.” Binigyang-diin niya na hindi na kailangang hintayin pa ang mga opisyal na panuntunan mula sa pamahalaan bago kumilos: “Huwag n’yo nang hintayin y’ung guidelines – kayo na kumilos.”

Ipinunto rin ng senador na ang pagsusugal ay kadalasang pabor lamang sa mga operator: “Sa pagsusugal po, ang nananalo lang talaga ay y’ung bangka — y’ung may-ari.”

Kaugnay nito, inihain ni Cayetano ang Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025, isang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng promosyon para sa online gambling sa media. Gayundin, co-author siya ng Ban on Online Gambling Act na naglalayong tuluyang ipatigil ang mga aktibidad ng online gambling, lokal man o dayuhan.

Ipinaalam din ni Cayetano na plano niyang gamitin ang mga mekanismo ng Senado, gaya ng Blue Ribbon Committee, upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga batas na may kaugnayan sa usaping ito.