Delima

Hindi masama ang managinip -De Lima

Mar Rodriguez Jul 11, 2025
362 Views

HINDI masama ang mangarap”.

Ito ang mistulang nais ipahiwatig ni Mamamayang Liberal (ML) Party List Representative Leila M. De Lima matapos nitong barahin at tuligsain ang resolusyong iniumang ng Senado para sa agarang pagpapabalik kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Pilipinas mula sa The Hague.

Pagbibigay diin ng dating Justice Secretary na isang panaginip lamang umano ang nais mangyari ng Mataas na Kapulungan sapagkat walang legal na bigat kasunod ang matibay na pamantayan para pagbasehan ng pagpapabalik kay Duterte sa Pilipinas.

Muling iginiit ni De Lima na maituturing din na isang “political posturing” ang Senate resolution sapagkat walang kapangyarihan ang gobyerno ng Pilipinas para pabalikin sa bansa ang dating Pangulo na nahaharap sa patong-patong na kaso.

Nauna rito, ipinahayag ng neophyte congresswoman na: “Sa tingin ko, political posturing lang iyang Senate resolution kasi wala po sa kapangyarihan ng ating gobyerno na pabalikin si Duterte sa Pilipinas. Hindi po masama ang managinip”.

Kasabay nito, binigyang diin ni De Lima na ang International Criminal Court (ICC) ay isang indipendiyenteng pandaigdigang tribunal kung saan ito ay mayroong sapat na hurisdiksiyon sa mga krimeng kinasangkutan at ginawa ni Duterte.

Ipinaliwanag pa ni De Lima na maaaring hindi bibigyan ng halaga o pakikinggan ng ICC ang Senate resolution sapagkat hindi aniya basta-basta matitinag ang ICC sa mga resolusyong lokal kahit na ang mga political pressure dahil sa kanilang pagiging independent.

Dahil dito, para kay De Lima, maituturing na “suntok sa buwan” ang resolusyon ng Senado kung pagbabatayan ang mga legal issues na nakapaloob sa ICC.