Senado

Pangilinan inihiwalay sarili sa ingay sa Senado

269 Views

MARIING sinabi ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na hindi nagbabago ang kanyang pangunahing layunin: tugunan ang gutom, korupsyon at kahirapan sa Pilipinas dahil ang mga ito ang pangunahin niyang adhikain bilang isang mambabatas.

Muling binigyang-diin ni Sen. Pangilinan ang pundasyon ng kanyang adbokasiya sa pulitika—isang dekadang pagsisikap para sa katarungang panlipunan na nagsimula pa aniya noong siya’y lider-estudyante pa lamang.

“Naniniwala ako na ang pinakamalaking laban natin ay ang laban sa gutom, laban sa korupsyon at laban sa kahirapan.

Ito ang laban na hinarap ko mula pa noong ako’y student leader noong dekada ’80. At ito rin ang laban na kailanman ay hindi ko tatalikuran.”

Bagama’t napapansin ng mga tagasubaybay ng pulitika ang pagbabago-bagong alyansa sa Senado sa nalalapit na botohan para sa pamumuno sa Hulyo 28, ayon kay Pangilinan, pinili niya na ihiwalay ang sarili sa ingay.

Nilinaw niyang bukas siyang makipagtulungan sa kahit anong grupo, basta’t ito ay nakabatay sa prinsipyo at tunay na malasakit sa kapakanan ng bayan.

Tinukoy rin ng senador ang kanyang walang patid na mensahe noong kampanya ng 2022, kung saan ipinangako niyang bibigyang-priyoridad ang seguridad sa pagkain, kapakanan ng mga magsasaka at katatagan ng presyo.

Binigyang-linaw niyang nananatili pa rin ito. “Sinabi ko rin noon: handa akong isantabi ang bangayan sa pulitika at isulong ang pakikipagtulungan ng lehislatura at ehekutibo—kung ito ang kailangan para makapaghatid ng solusyon.”

Sa harap ng inaasahang malalaking pagbabago sa liderato ng Senado, nangakong magpapatuloy si Pangilinan sa pagsusulong ng mga solusyong direktang makaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga ordinaryong Pilipino—lalo na ang mga magsasaka, mangingisda at mga pamilyang naghihikahos.

“Kung anuman ang magiging opisyal na pasya sa Senado, maninindigan pa rin tayo nang puspusan—para pawiin ang gutom, para sa magsasaka at mangingisda, at para sa mababang presyo ng bigas at pagkain,” sabi ng senador.