Madrona

Pagdeklara sa Might Cave Park sa Lanao del Norte inaprubahan na ng House committee on tourism

Mar Rodriguez Nov 10, 2022
236 Views

INAPRUBAHAN na ng House Committee on Tourism ang panukalang batas na isinulong ng isang Mindanao congressman sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong ideklara bilang “ecotourism zone” ang Mighty Cave Park na matatagpuan sa Lanao del Norte.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairman ng House Committee on Tourism, na inaprubahan na sa tinatawag na committee level ang House Bill No. 5790 na inihain ni Lanao del Norte 1st Dist. Cong Mahamad Khalid Q. Dimaporo.

Ayon kay Madrona, nakapaloob sa isinulong na panukala ni Dimaporo ang pagdedeklara sa Mighty Cave Park na matatagpuan sa munisipalidad ng Tagoloan sa lalawigan ng Lanao del Norte bilang isang ecotourism zone na magpapahikayat naman sa maraming lokal at dayuhang turista na magtungo o bumisita sa nasabing lalawigan.

Naniniwala si Madrona na sakaling tuluyan ng maging batas ang HB No. 5790, malaki aniya ang maitutulong nito para muling makabangon ang Lanao del Norte sa larangan ng turismo. Bunsod ng masamang epekto na idinulot ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas.

Ipinaliwanag din ni Madrona na ang development o ang pagpapa-unlad sa Mighty Cave Park ang magiging priority ng Department of Tourism (DOT) sakaling tuluyan ng pumasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala ni Dimaporo.

Sinabi pa ng kongresista na ilan pang panukalang batas na mayroong kahalintulad na layunin ang kasalukuyang nakasalang na sa Plenaryo ng Kamara de Representantes para sa isang Plenary debate upang maisabatas na ang mga ito sa lalong madaling panahon.