CAAP

Paggamit ng SAF isinusulong ng CAAP

Jun I Legaspi Apr 6, 2026
265 Views

ISINUSULONG ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang paggamit ng Sustainable Aviation Fuel (SAF) habang ligtas na hinahalo sa karaniwang jet fuel.

Isang mahalagang hakbang upang mabawasan ang carbon emissions ng sektor ng aviation ng hanggang 65 hanggang 80 porsyento ang paggamit ng SAF.

Nagsagawa ang CAAP ng 2026 Sustainable Aviation Fuel Policy Development Workshop sa National Aviation Academy of the Philippines (NAAP) noong Marso 24.

Tinalakay sa workshop ang mga pangunahing elemento na kinakailangan para sa matagumpay na paggamit ng SAF.

Kabilang sa tinalakay ang pagkakaroon ng sapat na hilaw na materyales, teknolohiya sa produksyon, capacity-building at pagsasanay, suporta sa regulasyon, partisipasyon ng mga airline at mga oportunidad sa pamumuhunan.

Malaki ang potensyal ng Pilipinas sa transisyong ito dahil sa matatag na sektor ng agrikultura, partikular sa produksyon ng palay at niyog, ayon sa CAAP.

“Muling pinagtitibay ng CAAP ang aming pangako na gawing mas praktikal at mas naaabot ang paggamit ng SAF sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, industriya at pribadong sektor,” pahayag ni CAAP Director General Raul Del Rosario.