Calendar
‘Safer Cities’ na program inilunsad nina Remulla, Nartatez
INILUNSAD noong Lunes nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr. at Philippine National Police (PNP) chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang kanilang “Safer Cities” program na naglalayong gawing “walkable at crime-free” ang lahat ng kalsada sa bansa, 24/7.
Nakabatay ang “Safer Cities” plan sa simpleng prinsipyo na dapat patuloy na pinapalakas ang kaligtasan ng mga komunidad sa Pilipinas sa pamamagitan ng nakatuon, nasusukat, at tuloy-tuloy na mga hakbang.
Kaugnay nito ang pangangailangang masusing mabantayan ang walong pangunahing krimen bilang sukatan ng kapayapaan at kaayusan, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng pinagsanib na police at barangay patrols at pakikipagtulungan sa mga local government units, barangay, at iba pang law enforcement agencies.
Bilang panimula sa kanilang pinagsamang plano laban sa kriminalidad, iniutos ni Sec. Remulla sa pambansang pulisya ang mahigpit na pagpapatupad ng lahat ng city at municipal ordinances kabilang ang pagbabawal sa pag-inom at pagsusugal sa pampublikong lugar, paglalakad nang walang pang-itaas, curfew para sa mga menor de edad, at paggamit ng videoke lampas alas-10 ng gabi.
“Magsisimula ito sa Metro Manila at susunod sa iba pang mga lungsod sa bansa. Dahil karamihan ng krimen ay nangyayari sa mga urban na lugar, panahon na para gawing mas ligtas ang mga tao,” ani ng kalihim ng DILG.
Sinabi rin ni Remulla na hihikayatin niya ang lahat ng LGUs na magpasa ng katulad na mga ordinansa kung wala pa ang mga ito.
“May batas tayo laban sa public intoxication—bawal mag-inom sa kalsada. Kapag lasing, doon nagsisimula ang sexual harassment. May pinahusay ding curfew para sa mga 18 taong gulang pababa.
Yung mga batang palaboy at pasaway sa kalsada, umuwi na kayo at pagsapit ng alas-10 ng gabi, huhulihin namin kayo,” aniya.
“Bawal ang lalaking walang t-shirt sa kalsada, kaya kahit gaano kainit, mag-sando man lang kayo. Bawal din ang videoke lampas alas-10 ng gabi. Tumawag sa 911 at pupuntahan ng pulis ang mga lalabag. Maliban na lang kung may pista at may permit mula sa barangay—maawa naman kayo. Kung ayaw ninyong matulog, magpatulog naman kayo. Sa mga nagyayabang kapag lasing, huhulihin namin kayo at ikukulong. Tandaan ninyo, nasa Forbes Park man kayo o nasa Isla Putting Bato sa Tondo, iisa lang ang patakaran na ipinatutupad,” dagdag niya.
Inatasan naman ni Gen. Nartatez ang lahat ng kaukulang police regional offices na tiyaking may 1–2 pulis na naka-duty sa mga pampublikong paaralan habang may klase, katuwang ang mga barangay at mga volunteer.
Hinimok din ni Remulla ang mga magulang at pamunuan ng paaralan na tumawag sa Unified 911 kung walang pulis sa kanilang lugar. “Ito ay isang kasunduang panlipunan upang gawing mas ligtas ang ating mga paaralan,” ani Remulla.
Ayon kay PNP Director for Operations Brigadier Gen. Ponce Rogelio I. Peñones, maglalagay rin ng mga pulis sa mga lugar na dinarayo ng tao tulad ng transport hubs, paaralan at unibersidad, simbahan, at mga tourist destination.
Sinabi naman ni National Capital Region Police Office director Major Gen. Anthony A. Aberin na pinalakas na nila ang presensya ng pulisya sa mga istasyon ng LRT at MRT, pati sa mga mataong lugar tulad ng Pasay Rotunda, Monumento sa Caloocan City, Cubao sa Quezon City, at PITX sa Parañaque City.
“Binabantayan namin ang mahahalagang pasilidad lalo na ngayon na may problema sa Middle East. Pinalalakas din namin ang deployment sa Bonifacio Global City, Makati, Pasay, Malate, at Parañaque. Nagde-deploy din kami ng District at Regional Mobile Force Battalions tuwing gabi upang tumulong sa pagpapatrolya,” ani Aberin.
Ayon kay Gen. Nartatez, ipatutupad ang “Safer Streets” initiative sa buong bansa, ngunit magsisimula muna ito sa Metro Manila bago ipalawak sa iba pang pangunahing lungsod tulad ng Baguio City, Cebu City, Bacolod City, at iba pa.

