Speaker Romualdez

Paghahabol sa mga hoarder ng pagkain, desisyon vs CIF, dahilan ng pag-akyat ng performance, satisfaction rating ni Speaker Romualdez

216 Views

NAKAPAGTALA ng pagtaas ng anim na puntos ang performance at satisfaction rating ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pinakahuling survey na isinagawa ng independiyenteng OCTA Research Group sa mga high ranking government officials ng Pilipinas.

Batay sa naturang survey, na isinagawa mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4, tanging si Romualdez lang sa mga matataas na opisyal ng bansa, na kinabibilangan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Vice President Sara Duterte at Senate President Juan Miguel Zubiri, ang may malaking inakyat ang rating.

Nabatid na pumalo sa 61% ang performance at satisfaction rating ng lider ng Kamara, mula sa dating 55% noong Hulyo.

Sinundan naman siya ni Zubiri na umangat ng 1% ang performance at satisfaction rating mula 57% noong Hulyo din.

Samantala, malaki naman ang ibinagsak ng rating ni VP Sara, na mula 82% noong Hulyo ay bumulusok na lamang sa 70%.

Ayon sa OCTA Research Scientists, maaaring may kinalaman ang kontrobersyal na Confidential and Intelligence Fund (CIF) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa pagbaba ng 12 puntos ng rating ng bise presidente.

“Mainit pa kasi yung isyu when we conducted the survey,” paliwanag ni Prof. Ranjit Rye ng OCTA Research Group.

Aniya pa, “the decision of the party leaders of congress na alisan ng CIF ang mga civilian agencies, dahil naging kontrobersyal na ito, was a plus factor for the speaker”.

Tingin pa ni Rye, ang paghahabol sa mga onion hoarders at sunod-sunod na inspekyon sa mga bodega ng bigas sa Bulacan noong mga nagdaang buwan dahil sa kakulangan ng suplay ng pagkain ay maaari ding dahilan kaya tumaas ang performance rating ni Romualdez.

Bumaba rin naman ang rating ni Pangulong Marcos ng anim na puntos mula 71% noong Hulyo.

Subalit 65% percent o higit kalahati pa rin ng mga Pilipino ang may tiwala sa kanyang kakayahan na mamuno at nasiyahan sa kanyang performance.

“Maliit lang ang ibinaba ng rating ni PBBM kumpara sa ibang survey, sa tingin ko dahil malamang nakikita ng mga tao na ginagawan naman ng administrasyon ng paraan ang problema sa mahal na bilihin tulad ng rice price cap at kaliwa’t-kanang ayuda sa mga mahihirap”, pahabol pa ng research team member.