Vargas

Pagkakaisa para tugunan krisis sa presyo ng gasolina

Mar Rodriguez Mar 14, 2022
466 Views

NANAWAGAN ng pagkakaisa ang isang Metro Manila solon matapos nitong imungkahi ang pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan, ng mamayan at iba’t-ibang sector ng ating lipunan para tugunan ang nagbabantang problema hinggil sa unti-unting lumolobong presyo ng gasolina.

Isinulong ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang isang resolusyon sa Kamara de Representantes upang ipanawagan ang isang konkretong hakbang para tugunan at solusyunan ang napipintong krisis sa presyo ng gasolina na tinawag nitong isang “national at global crisis”.

Sa ilalim ng House Resolution ni Vargas, ipinapanukala nito ang pagkakaisa sa pagitan ng national government agencies, mga kinatawan mula sa Civil Society groups, Sectoral representatives at kinatawan mula naman sa private secor.

Layunin ng kaniyang resolusyon na makapag-buo o makapag-balangkas ng isang tinatawag na “integrated policy solution” ang mga nasabing grupo para tugunan ang krisis sa presyo ng gasolina.

Pinangangambahan din ni Vargas na hindi malayong maging isang “global crisis” ang kasalukuyang krisis sa gasolina. Kahalintulad ng nararanasan ngayon ng bansa sa COVID-19 Pandemic.

“The social and economic impact of the war in Ukraine is being felt worldwide. It could lead to another great disruption on a scale that could be similar to the pandemic. In the midst of uncertainty, it is imperative that our government and other sectors work as one in securing better protection for vulnerable segments of our society,” ayon kay Vargas.

Nakapaloob din sa panukala ng kongresista hinggil sa dialogo o konsulatasyon ng iba’t-ibang grupo na ang pamahalaan ay kakatawanin ng mga sumusunod na ahensiya.

Kabilang dito ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment Agency (DOLE), Department of Energy (DoE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ipinaliwanag pa ni Vargas na ang pangunahing layunin aniya ng “consultation” ay ang maibsan ang impact ng unti-unting tumaas sa presyo ng gasolina sa publiko. Kasunod narin ng pagtaas sa presyo ng pagkain sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga solusyon.

“The goal of such consultation is to mitigate the impact of rising oil and food prices by providing more social protection for vulnerable sectors. It is critical that problem solving approach to this impending national crisis be carried out in a whole of government and whole of nation approach, especially in the Local Government Units (LGU’s),” dagdag pa nito.