Valeriano

Pagkakaroon ng road safety seminars sa mga kasapi ng TODA kinatigan ng Committee on Metro Manila Dev’t

Mar Rodriguez Jun 27, 2024
83 Views

𝗦𝗜𝗡𝗨𝗦𝗨𝗣𝗢𝗥𝗧𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗻𝗴 c𝗵𝗮𝗶𝗿𝗺𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗠𝗲𝘁𝗿𝗼 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝗗𝗲𝘃𝗲𝗹𝗼𝗽𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗻𝗮 𝘀𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗻𝗶𝗹𝗮𝘁𝗮𝗴 𝗻𝗮 𝗽𝗹𝗮𝗻𝗼 𝗻𝗴 𝗟𝗮𝗻𝗱 𝗧𝗿𝗮𝗻𝘀𝗽𝗼𝗿𝘁𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲 (𝗟𝗧𝗢) 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝘀𝗮𝘀𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗶𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗿𝗼𝗮𝗱 𝘀𝗮𝗳𝗲𝘁𝘆 𝘀𝗲𝗺𝗶𝗻𝗮𝗿𝘀 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝘁𝗿𝗶𝗰𝘆𝗰𝗹𝗲 𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗼𝗿𝘀 𝗮𝘁 𝗱𝗿𝗶𝘃𝗲𝗿𝘀 𝗻𝗮 𝗺𝗮𝘀 𝗸𝗶𝗹𝗮𝗹𝗮 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗧𝗿𝗶𝗰𝘆𝗰𝗹𝗲 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗼𝗿𝘀 𝗮𝗻𝗱 𝗗𝗿𝗶𝘃𝗲𝗿𝘀 (𝗧𝗢𝗗𝗔).

Ipinahayag ni Valeriano na hindi maikakailang maraming mga tricycle drivers na barumbado at walang disiplina kung magmaneho. Sila din ang pinagmumulan ng mga aksidente sa lansangan bunsod ng kawalan nila ng nararapat na pag-iingat.

Diniin ni Valeriano na kinakailangang sumailalim sa road safety seminars ang mga tricycle drivers upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa tamang pamamaraan ng pagmamaneho para sa kaligtasan nila at kanilang mga pasahero.

Ipinaalala ni Valeriano na sa tuwing babarumbaduhin ng mga tricycle drivers ang kanilang pagmamaneho hindi lamang aniya nila inilalagay sa tiyak na kapahamakan ang kanilang buhay kundi pati ng kanilang mga pasahero.

Ayon pa sa kongresista, sinasang-ayunan at sinusuportahan nito ang naging pagkilos o hakbang ng LTO bilang chairperson ng Committee on Metro Manila Development. Nakikita nito ang kahalagahan ng nasabing seminar para ipabatid sa mga tricycle drivers ang importansiya ng road safety o ang maingat na pagmamaneho.

“May mga tricycle drivers kasi na parang nakakalimot na sa road safety. Parang masyado na silang nagiging kampante, kaya iyan ang dapat itanim ng seminar na ito sa kanilang mga isip na kailangan nilang maging maingat sa pagmamaneho. Sapagkat hindi lamang ang buhay nila ang nalalagay sa peligro kundi pati buhay ng kanilang pasahero,” wika ni Valeriano.

Paliwanag pa ni Valeriano, pinatutunayan din sa mga naglipanang “viral videos” ang kawalang ingat ng ilang tricycle drivers na nasasangkot sa aksidente. Ang iba ay pinag-uugatan ng road rage o matinding hidwaan sa kalsada.

Sabi pa ni Valeriano, ang pino-protektahan lamang umano ng LTO ay ang mga tricycle drivers at kanilang mga pasahero. Habang ang mga operators naman ay bibigyan ng edukasyon para magsilbing gabay sa kanilang mga drivers na nakakalimot ng road safety.