Magsino

Pagkamatay ng OFW sa Kuwait pinaiimbestigahan sa Kamara

Mar Rodriguez Jan 8, 2025
53 Views

NANANAWAGAN si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Kamara de Representantes na magsagawa ito masusing imbestigasyon patungkol sa pagkamatay ng Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na mula sa Cagayan de Oro City.

Pagbibigay diin ni Magsino na ang paglulunsad ng isang malalim na pagsisiyasat ay naglalayong mabigyang linaw ang mga detalye kaugnay sa pagkamatay ni Dafnie Nacalaban, 38, mula sa Dansolihon, Cagayan de Oro City. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi malinaw ang mga detalye sa pagkamatay nito.

“Lubos kong ikinalulungkot at kinokondena ang malagim na pagkamatay ng isang kababayan natin sa Kuwait na nagdulot ng galit at pangungulila sa ating mga kababayan, partikular na sa Cagayan de Oro City. Ang insidenteng ito ay muling nagpapakita ng panganib na kinakaharap ng ating mga OFWs sa ibang bansa,” wika ni Magsino.

Iminungkahi din ni Magsino sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na kailangan nilang kumilos sa pamamagitan ng paglalatag ng mga hakbang upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Nacalaban at mapanagot ang mga salarin na nasa likod ng pagpatay sa naturang OFW.

Tiniyak ng kongresista na patuloy nitong isinusulong sa Kamara de Representantes ang paglalatag ng mga reporma upang mas lalo pang palakasin at paigtingin ang proteksiyon para sa libo-libong OFWs na nakikipag-sapalaran sa ibayong dagat para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.

Ayon kay Magsino, tina-trabaho nito sa Kongreso ang pagkakaroon ng mahigpit na monitoring sa kalagayan ng mga OFWs sa abroad upang magkaroon agad ng mabilis na aksiyon ang pamahalaan kaugnay sa mga kaso ng pang-aabuso kasunod nito ang pagpapalakas ng bilateral agreemements para sa seguridad ng mga nasabing OFWs.

Iginiit din ni Magsino na hindi na dapat maulit ang kaso ni Nacalaban at mga kahalintulad nitong mga kaso laban sa mga OFWs. Bagama’t sila’y itinuturing na mga bagong bayani ay nararapat lamang na magkaroon sila ng dignidad at proteksiyon sa mga bansang pinagta-trabahuhan nila.