GAA Source: FB

Pagkwestyun ng budget sa Korte Suprema, destabilisasyon lang-PBBM

Chona Yu Jan 30, 2025
14 Views

BAHAGI ng destabilisasyon ang inihaing reklamo sa Supreme Court (SC) na kumukwestyun sa legalidad sa 2025 General Appropriations Act.

Sa ambush interview sa Cebu City, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nais lamang ng mga naghain ng reklamo na matigil ang operasyon ng gobyerno at maituloy ang destabilization.

Una nang dumulog sa Korte Supreme sina dating Executive Secretary Vic Rodriguez at Davao Congressman Isidro Ungab para ipawalang bisa ang national budget. Kinukwestyun din ng mga ito ang mga blank items sa bicameral conference committee report ng Kongreso.

Ayon kay Pangulong Marcos, nais ng mga naghain ng reklamo na matigil ang operasyon ng gobyerno.

“We shut down everything. I guess that’s what they want– they want the government to cease working. So matuloy yung kanilang mga destabilization na ginagawa,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kumpiyansa si Pangulong Marcos na mayroong solid footing ang gobyerno para depensahan ang budget.

Nakausap na rin ni Pangulong Marcos si Solicitor General Maynard Guevarra.

“Well, the SolGen, of course, will be the one who will argue for the government and he tells me, SolGen Maynard, tells me that we are on a solid footing in terms of constitutionality. I don’t know why they bothered to file that because napakahirap ng kanilang assertion,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kumpiyansa si Pangulong Marcos na kayang depensahan ni Guevarra ang budget sa Korte Suprema.

Nasa P6.326 trilyong budget ang nakalaan ngayong taong 2025.