Tulfo

Paglilitis kay VP Sara pasibleng magsimula bandang July 6

38 Views

SINABI ni Senador Erwin Tulfo na posibleng magsimula bandang July 6 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte batay sa working calendar na tinalakay ng mga senador sa caucus, habang maaaring kailanganin din ang paghahanda sa seguridad sa labas ng Senado habang isinasagawa ang proceedings.

Ayon kay Tulfo, pinag-usapan ng mga senador ang iskedyul habang naghahanda ang Senado para sa sine die adjournment, kabilang ang 10-calendar-day period para makapaghain ng sagot si Duterte at ang limang calendar days para makapaghain ng reply ang prosecution.

“So we’re looking at around talaga na mga July 6. July 6 mag-uumpisa na ang ika nga trial,” sabi ni Tulfo sa isang Senate media phone-patch interview.

Sinabi ni Tulfo na magkakaroon pa rin ng break ang mga senador, ngunit magpapatuloy ang paghahanda para sa trial matapos ang paghahain ng pleadings at pre-trial steps, kabilang ang marking of evidence.

Ayon sa kanya, tinitingnan ng Senado na magkaroon ng regular session sa Lunes ng umaga, kasunod ang impeachment trial proceedings sa hapon.

“Ang plano sa Monday po, Monday ng umaga ng July 6, I think, will be like around 10 a.m. to 1 p.m. regular session. So magkakaroon po ng regular session. Pagkatapos, break po ng 1 hour, 2 o’clock… ayun na po yung trial,” sabi ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na maaaring ilaan ang Martes at Miyerkoles para sa trial proceedings, habang ang Huwebes ay maaaring gamitin para sa committee hearings at regular session. Ang Biyernes naman ay maaaring gamitin para sa motions at iba pang usapin, o para sa committee hearings depende sa pasya ng mga committee chairperson.

“Bale, five days na po yung work natin. Magiging day off lang po ng mga senador will be Saturday, Sunday,” ani Tulfo.

Sa working calendar na inilarawan ni Tulfo, may 10 calendar days si Duterte para maghain ng sagot, habang may limang calendar days naman ang prosecutors para maghain ng reply.

Susundan ito ng pre-trial proceedings, kabilang ang marking of evidence.

Sinabi rin ni Tulfo na maaaring kailanganin ng Senado ang anti-riot o crowd-control personnel sa paligid ng kapulungan habang isinasagawa ang impeachment trial, dahil posibleng magtipon ang pro- at anti-Duterte groups.

Ayon sa kanya, dapat ding isaalang-alang sa security planning ang insidente noong Mayo 13 sa Senado, na nagbukas ng mga tanong tungkol sa koordinasyon at protocols sa pagtugon sa armed confrontation sa loob ng premises.

Sinabi ni Tulfo na kailangang isapubliko ng Senado ang calendar upang masundan ng lahat ng partido, kabilang ang media, ang mga proceedings.

Ayon sa senador, sisikapin ng kapulungan na ibalanse ang tungkulin nito bilang impeachment court at ang regular na trabaho sa lehislasyon habang tinitiyak din ang kaayusan at seguridad sa pag-usad ng trial bago ang State of the Nation Address ng Pangulo.