NAIA

BOC-NAIA agents nakasabat ng 1.2 kilong shabu

Jun I Legaspi May 22, 2026
37 Views

NAIA1NASABAT ng mga agents ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang inabandona na kargamento na naglalaman ng mahigit 1,200 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P8.3 milyon sa isang bodega noong Mayo 19.

Ang naturang kargamento, na dumating noong Marso 2026 mula sa Uganda at nakapangalan sa isang consignee sa Cavite, ay dalawang pakete na idineklarang “Auto Gear Bearings.”

Natuklasan ng mga awtoridad ang tinatayang 1,234 na gramo ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng mga parsela na may tinatayang halagang P8,391,200.

Pinuri ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang mga yunit na nakibahagi sa operasyon at binigyang-diin ang paninindigan ng Bureau laban sa pagpupuslit ng droga.

Ang operasyon ay ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kampanya laban sa smuggling, patatagin ang seguridad sa mga pantalan, at ipagpatuloy ang laban kontra ilegal na droga at iba pang ipinagbabawal na kalakal.

Agad na isinailalim ang nakumpiskang kontrabando sa pangangalaga ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagsusuri sa laboratoryo, case build-up, at kaukulang legal na proseso alinsunod sa umiiral na batas, patakaran at regulasyon ng Customs.