Calendar
Sa korte niyo ipagtanggol ang inyong sarili, payo ni Atty. Elaine Atienza sa PGMN
SA KORTE niyo ipagtanggol ang inyong sarili at hindi sa social media, ayon kay Atty. Elaine A. Atienza.
Kasabay nito, hinihikayat ng kampo ni dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga personalidad na may kaugnayan sa Peanut Gallery Media Network (PGMN) na sagutin ang mga kasong isinampa laban sa kanila sa tamang hukuman.
Binigyang-diin ni Atty. Atienza, spokesperson ni Romualdez, na sadyang iniiwasan ng kanilang kampo na talakayin sa publiko ang mga detalye ng kaso bilang paggalang sa proseso ng hudikatura.
“Sa ngayon, hindi muna namin maaaring talakayin ang mga detalye ng kaso, pati na ang iba pang ebidensya, dahil ito ay bahagi na ng nagpapatuloy na pagdinig,” ani Atienza.
Dagdag pa nito na: “ngunit ang masasabi natin ngayon ay kumpiyansa kami sa tibay ng aming kaso at mga ebidensya, at ang korte ang tamang lugar upang masuri at mapatunayan ang mga ito”.
Nang tanungin hinggil sa mga kumakalat online na umaatake sa reklamo at mga ebidensya, sinabi ni Atienza na hindi makikisali ang kanilang kampo sa mga haka-haka o paglilitis ng kaso sa pamamagitan ng social media.
“Iginagalang namin ang proseso ng korte at nagtitiwala kami na patas na titingnan ng hukuman ang usaping ito. Ipinapaubaya po natin sa korte ang paglilitis at pagtingin sa mga ebidensyang ipipresenta ng mga partido,” dagdag ni Atty. Atienza.
Tinanggihan din ni Atienza ang mga pagtatangkang palabasing ang kontrobersya ay pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag.
“Hindi ito usapin ng press freedom. Sa katunayan, hinihikayat namin ang mga tao—kung may reklamo sila laban sa sinuman, maaari nila itong ireport sa mga awtoridad. Ngunit dapat pa rin nating sundin ang tamang proseso,” sabi nito.
Pinaalalahanan din ng Abogada ang lahat ng panig na may kaugnayan sa kaso na pairalin ang pag-iingat habang nagpapatuloy ang pagdinig.
“Oo naman. Saklaw iyan ng lahat. Bilang mga abogado at partido sa kaso, kami ay pinapayuhan at inaatasang huwag pag-usapan sa media at social media ang merito ng kaso,” wika pa ni Atienza nang tanungin kung dapat bang umiwas ang mga personalidad na konektado sa PGMN sa mga mapanulsol na online post.

