Manila 3rd District Rep. Joel Chua

Paglipat sa kulungan ni Lopez kagagawan ni VP Sara

39 Views

ANG nakababahala at kakaibang kilos ni Vice President Sara Duterte ang nagtulak sa House Committee on Good Government and Public Accountability na ipalipat si OVP chief of staff Atty. Zuleika Lopez sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng komite, ang desisyon na ilipat ang lugar ng kulungan ni Lopez ay napagkasunduan sa isang emergency Zoom meeting noong Biyernes matapos tumanggap ang komite ng dalawang liham na nagdulot ng pangamba sa mga miyembro nito.

Ang unang liham ay mula sa kapatid ng Bise Presidente, na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, ang nag-abiso sa komite na kanyang pinayagan si VP Duterte na manatili “indefinitely” sa kanyang opisina sa House of Representatives. Ang ikalawang liham, mula mismo kay VP Duterte, na humiling ng pahintulot na mag-jogging sa loob ng bakuran ng Kamara.

“Ang mga miyembro ng ating committee ay nag-request ng Zoom special meeting dahil nga po sa naalarma [sila] dahil sa mga request ng ating Vice President,” ayon kay Chua sa ginanap na press conference umaga ng Sabado.

Unang ibinigay ng komite ang mga liham kay House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon Taas, dahil ito ay hindi saklaw ng komite. Gayunman, ang pagkalat ng mga liham sa social media ay nagdulot ng karagdagang alarma sa mga mambabatas, dahilan para magsagawa ng emergency session.

Sa Zoom meeting, ipinahayag ng mga miyembro ang kanilang mga pangamba tungkol sa presensya ng Bise Presidente sa loob ng House complex at ang magiging epekto nito sa mga operasyon ng seguridad.

“Ang isa nga po sa mga napag-usapan ay ‘yung security risk, hindi lamang po ng ating House of Representatives pati na rin po ng ating Vice President,” paliwanag ni Chua.

Itinukoy ng komite na ang mga pagbisita ng Pangalawang Pangulo, kasama ang kanyang armadong security detail, ay naging sanhi ng kaguluhan o pagkaantala sa normal na operasyon ng Kamara de Representantes.

Napagkasunduan ng mga miyembro na si Lopez, na pinatawan ng contempt kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng Pangalawang Pangulo ng ₱612.5 milyon na confidential funds na inilaan para sa Office of the Vice President at Department of Education, ay kailangang ilipat sa mas ligtas na pasilidad upang maiwasan ang karagdagang komplikasyon.

“Nakapagdesisyon ang mga miyembro, ito po ay i-transfer doon sa pasilidad na mas may kapasidad at may kakayahan na mai-secure nang sa ganon po ay maging maayos,” ayon kay Chua.

Dahil sa kritikal na sitwasyon, napilitan ang komite na kumilos bago ang nakatakdang pagdinig sa Lunes

“Hindi naman po natin hinhintayin pa na mag-Lunes,” ayon kay Chua. “Dahil kung maglu-Lunes pa po baka may mangyari between last night until early morning of Monday, eh medyo delikado na po ‘yun.”

Binigyang-diin ni Chua na ang emergency session ay isinagawa alinsunod sa mga alituntunin ng House at tiniyak na may quorum.

“Unang-una nasa rules naman po namin na allowed po kami na magkaroon ng special session via Zoom,” saad pa ni Chua. “In fact, pati po ‘yung quorum sinecure po namin, tiningnan po namin dahil ito po kasing sitwasyon is emergency situation dahil security risk na po ang pinag-uusapan po natin dito.”