Abante Sina Laguna Rep. Dan Fernandez at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante

Pagmumura ni Duterte hindi dapat hinahayaan sa pagdinig ng Kongreso

42 Views

NANAWAGAN ang dalawa sa mga co-chairman ng Quad Committee ng Kamara de Representantes kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na iwasan ang pagmumura at paggamit ng mga hindi angkop na salita sa pagharap nito sa pagdinig ng Kamara de Representantes.

Ayon kina Laguna Rep. Dan Fernandez at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante dapat isaalang-alang ni Duterte ang negatibong epekto ng pagiging hindi mabuting halimbawa sa mga Pilipino na nagappakita rin ng kawalan ng galang sa lehislatura kaya hindi ito dapat na hayaan na lamang.

“Siguro kung siya ay a private person lang, magsalita siya ng ganyan, magbiro siya, ay okay pa. Pero pag isang dating Pangulo ng bansa ay nagbiro ng ganyan… nakakatakot iyan,” sabi ni Abante.

Sa pagharap ni Duterte sa Senate Blue Ribbon subcommittee noong Lunes paulit-ulit itong nagmura.

Sinabi ng dalawang mambabatas na ang pagmumura ni Duterte ay bahagi na ng rekord ng lehislatura at bahagi na ng kasaysayan nito.

“Nakakahiya tayo… wala man lang nag-stand para i-delete o tanggalin ‘yon sa record ng Senado?” ani Fernandez.

Kung haharap umano si Duterte sa pagdinig ng Quad Comm, sinabi ni Fernandez na titiyakin nito na ito maisasama sa official record ng Kamara at titiyakin na masusunod ang proper decorum ng institusyon.

Ipinunto naman ni Abante na ang pagsasabi ng PI ni Duterte ay hindi lamang isang simpleng mura.

“But the thing is this, yung PI, hindi lang mura ‘yan eh. Nanay ko, tinutukoy mo d’yan eh,” paliwanag ni Abante.

Ayon kay Abante haharangin nito ang pagmumura ni Duterte sa pamamagitan ng “point of order” kung sisipot ito sa pagdinig ng Quad Comm.

“We should not allow any vulgar statement in this hearing,” giit pa ng solon.

Naniniwala sina Abante at Fernandez sa kahalagahan ng pagpapanatili ng standard of conduct sa pagdinig lalo na sa pagtalakay ng mga sensitibong isyu gaya ng human rights.

Kung magmumura at gagamit umano ng mga bulgar na salita si Duterte, sinabi ni Fernandez na ipapaalala niya kay Duterte na hindi ito tama. “We will try to remind him.

Tapos pag paulit-ulit pa rin, then we have to take action.”

Iginiit ni Fernandez na mayroong hangganan ang mga bagay kasama na ang pag-tolerate sa pag-uugali ng dating Pangulo.

Ikinalungkot ni Abante na walang ginawa ang subcommittee ng Senado kaugnay ng pagmumura ni Duterte sa pagdinig.

“I like our people to know na lahat ng pronouncement ng Pangulo kahit na pagmumura niya, recorded po ‘yan sa Malacanang,” sabi pa nito.