bro marianito

Pagninilay natin ang kapayapaang ibignibigay ni Hesus. Dahil ito lamang ang magbubuklod sa atin bilang mga kirstiyano (Juan 14:23-29)

372 Views

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo”. (Juan 14:27 – Magandang Balita Biblia)

PAGKATAPOS ng maingay, magulo at nakawiwindang na 2022 national at local elections sa ating bansa marahil ang ilan sa atin ay “back-to-normal” na ang kanilang pamumuhay. Kung anoman ang kanilang dating ginagawa ay muli nila itong itutuloy at babalikan.

Habang ang iba siguro ay hindi pa rin “maka-move on” hanggang ngayon sapagkat minalas at hindi pinalad na manalo ang kandidatong tinutulungan o inaalagaan nila.

Maaaring ang iba naman sa atin ay hindi pa rin matanggap ang isang nanalong kandidato. Mababa man o mataas ang posisyong napagwagian nito. Dahil may kaniya-kaniya kasi tayong kandidatong pinapaboran at may kaniya-kaniya tayong pinaniniwalaan.

Naging masalimuot ang nagdaang halalan, kaya marahil ay nagkawatak-watak tayong mga Pilipino sa pamamagitan ng ating magkakaibang paniniwala, magkakaibang opinion, magkakaibang sinusuportahang kandidato at magkakaiba ng paninindigan.

Nakalipas na ang eleksiyon at naiguhit na sa kasaysayan ng Pilipinas ang pangalan ng mga susunod na lider ng ating bansa. Ang kuwestiyon na lamang ay kung ano naman ang gagawin natin bilang isang mamamayan upang makatulong sa naghihikahos nating bansa?

Ano kayang tulong ang maaari natin iambag ngayon para muling magkaisa ang mga Pilipino? Sa kabila ng ating magkakaibang paniniwala, magkakaibang opinion, magkakaiba ng politikong sinusuportahan at magkakaiba tayo ng paninindigan.

Ano ating puwede nating magawang paraan upang muli tayong magkaisa bilang magkakapatid at magkakabayan? Kaya ba natin talikuran ang lahat ng ito alang-alang sa “kapayapaan?” sapagkat kapayapaan lamang ang paraan para muli tayong magkabuklod-buklod bilang isang bansa.

Pagnilayan natin ang mensahe ng ating Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Juan 14:23-29) nang sabihin niya sa kaniyang mga Disipulo na: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo”.

Natunghayan na natin kamakailan ang Pagbasang ito, ngunit muli natin itong mababasa ngayong Linggo (6th Sunday of Easter). Sapagkat nais ipaalaala sa atin ng Panginoong Hesus ang kapayapaan para sa lahat ng tao, magkakaiba man ang ating paniniwala, relihiyon, lahi at opinion. Dahil tayong lahat ay mga Anak ng Diyos.

Ang ibinibigay na mensahe sa atin ng Ebanghelyo ay ang pagkakaroon natin ng kapayapaang magpapatahimik sa ating masalimuot na buhay dulot ng kaguluhan sa politika, sa loob ng tahanan at sa relasyon natin sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.

Makakamtan natin ang kapayapaang ito kung tatanggapin natin ang presensiya ni Hesus sa ating buhay at isusuko natin sa kaniya ang lahat ng bagay na bumabagabag sa ating puso’t-isipan. Kalimutan natin ang mga bagay na ito at matatamo natin ang kapayapaan sa ating mga sarili.

Huwag nating hayaan na sirain ng politika, opinion, paniniwala at paninindigan ang relasyon natin sa ating kapwa. Sapagkat napakahalaga pa rin tignan at pagnilayan na tayong lahat ay nilikha ng Panginoong Diyos bilang mga Kristiyano.

Ang kapayapaan at pagpapatawad lamang ang maghihilom sa mga sugat na matagal ng nananatili sa ating mga puso. Ang nakalipas na ay tapos na. Ipaubaya na lamang natin sa Panginoong Diyos ang lahat ng bagay na bumabagabag sa ating puso’t-isipan.

Ipinapakita sa atin ng Ebanghelyo na binibigyan tayo ni Hesus ng sapat na grasya. Upang patuloy tayong makatugon sa tawag ni Kristo para ipalaganap ang pag-ibig sa bawa’t-isa, sa halip na ipalaganap natin ang alitan at inggitan na lalong magpapahiwalay sa ating lahat.

Ipalaganap natin ang pag-ibig para sa lahat ng tao. Sapagkat ang Panginoong Diyos na pinagmulan ng lahat ay punong-puno ng pag-ibig para sa ating lahat kahit gaano pa kabigat ang ating mga kasalanan.

Matatamo lamang natin ang “kapayapaan” kung sisimulan nating ihasik ang pag-ibig sa ating kapwa. Kaaway man natin o hindi at kapartido man natin o kalaban. Ang mahalaga: Pare-perho tayong mga Pilipino at ang pinaka-mahalaga. Tayong lahat ay Anak ng Diyos.

AMEN