Magsino

Pagnukalang total ban para sa deployment ng mga OFWs sa Kuwait suportado ng OFW Party List Group

Mar Rodriguez May 20, 2023
155 Views

SUPORTADO ng One Filipinos Worldwide (OFW) Party List sa Kamara de Representantes ang inilatag na panukala ng House Committee on Foreign Affairs patungkol sa paglulunsad ng “total ban” para deployment ng mga Overseas Filipinos Wokers (OFWs) sa bansang Kuwait.

Kasabay nito, mariing kinondina din ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang karumaldumal at karimarimarim na krimen na sinapit ng mga Pilipinong manggagawa sa kamay ng mga Kuwaiti kaya kinakatigan nito ang pagpapatupad ng “total ban” sa nasabing bansa.

Nauna rito, nagbigay ng panukala si Pangasinan 3rd Dist. Congresswoman Maria Rachel J. Arenas, Chairperson ng Foreign Affairs Committee, na kailangang magpatupad ang pamahalaan ng total ban ng mga OFWs sa Kuwaut kasunod ng mga karahasang sinasapit ng mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.

Naniniwala naman sina Magsino at Arenas na marahil ay talagang sinadya ng Kuwaiti government ang pagpapataw ng suspensiyon sa pagpapalabas ng “new entry visas” para sa mga Pilipinong manggagawa upang mapilitan naman ang pamahalaan ng Pilipinas na “i-lift” ang deployment ng mga “first timer” o mga OFWs na unang beses pa lamang magta-trabaho sa Kuwait.

Binigyang diin ni Magsino na ang ipinataw na “no entry” ng pamahalaan ng Kuwait para sa mga “first-timer” na OFWs ay isang estratehiya lamang upang ang maging scenario ay mapipilitan ang Philippine government na “i-lift” ang deployment ng mga Pilipinong manggagawa sa nasabing bansa.

Sinabi pa ni Magsino na kinakatigan din ng OFW Party List ang naging pahayag ni Arenas na ang pagpapataw ng total ban para sa mga OFWs sa Kuwait ay alinsunod narin sa ginagawa nilang “maltreatment” o pagmamalabis sa mga Pilipinong mangagawa lalo na sa mga domestic workers.

Nagpahayag din ng labis na kalungkutan ang OFW Party List lady solon bunsod ng hindi makatao at barbarikong (barbaric) pagtrato ng mga Kuwaiti sa mga OFWs na tanging ang hangad lamang aniya ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Pinayuhan din ni Magsino si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na huwag umanong magpasindak o magpadala sa “drama o pressure” ng Kuwait government sa halip ay kailangang panindigan ng administrasyoon nito ang pagpapataw o pagpapatupad ng total ban sa nasabing bansa.

Nauna rito, maging si OWWA Region 3 Director General Atty. Falconi V. Millar ay nagpahayag din ng labis na pagkabahala para sa mga OFWs na residente ng Central Luzon at sakop ng kanilang ahensiya dahil sa biglang pagsasara ng bansang Kuwait ng boarder nila para sa mga OFW’s.

Sa naging panayam ng People’s Taliba kay Millar, sinabi nito na biglaan umano ang naging desisyon ng Kuwait government na isara ang kanilang boarder para sa mga OFW’s. Kung saan, inaasahan na maraming Pilipinong manggagawa ang lubhang maaapektuhan nito.

Ayon sa kaniya, ikinagulat ng maraming OFW’s, mula sa Pampanga, Zambales, Bataan, Bulacan, Tarlac, Pangasinan, Nueva Ecija at karatig lalawigan, ang naging desisyon ng pamahalaan ng Kuwait. Sapagkat nagbabakasyon lamang sila sa Pilipinas at maaaring hindi na makabalik sa nasabing bansa.