Calendar

Pagpabor ng mga botante sa kandidatong vs agresyon ng China nagpalakas sa Alyansa — solon
ANG pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan mayorya ng mga Pilipino ang nagsabi na mas gusto nila ang mga kandidato na tutol sa agresyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) ay nagpapalakas umano sa mga kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa papalapit na eleksyon.
Ginawa ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang pahayag nitong Martes matapos lumabas sa survey ng SWS na 75 porsyento ng mga respondent ay nagsabi na gusto nila ang mga kandidato na laban sa ginagawa ng China sa WPS.
Tanging 25 porsyento lamang ang nagsabing pipili sila ng kandidato na hindi naniniwala na dapat igiit ng Pilipinas ang pagmamay-ari nito sa mga teritoryo na inaangkin ng China.
“Maliwanag sa resulta ng survey na malawak ang suporta ng mga kababayan natin sa mga senatorial candidate ng Pangulong BBM,” ani Gonzales.
Sinabi niya na ang mga kandidato ng Alyansa ay katulad ng Pangulo na isinusulong ang pagmamay-ari ng Pilipinas sa mga teritoryo na nasa loob ng exclusive economic zone nito.
“I hope that the 75-percent preference for pro-Philippines candidates would manifest for actual votes for Team Pinas candidates,” dagdag pa niya, na tinutukoy ang senatorial ticket ng Alyansa.
Nangako si Gonzales na magsusumikap siya sa pangangampanya para sa tagumpay ng mga kandidato ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang lalawigan.
“Sila ang mga kandidatong makakatulong sa Pangulo sa paglago ng ating ekonomiya at sa patuloy na pag-unlad ng ating bansa,” ani Gonzales.