House bill

Pagpalawak sa kapangyarihan ng NBI isinulong

Mar Rodriguez Oct 5, 2023
201 Views

NAIS ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na mas mapalawig pa ang kapangyarihan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos nitong ihain ang isang panukalang batas sa Kamara de Representantes na lalong magpapalawak sa jurisdiction ng NBI.

Isinulong ni Magsino ang House Bill No. 9351 para mapalawak pa ang kapangyarihan at jurisdiction ng NBI kung saan mapapasama sa kanilang tungkulin ang pagsawata sa mga kaso ng illegal recruitment na siyang pangunahing problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ipinaliwanag ni Magsino na nakapaloob sa kaniyang panukalang batas ang pag-amiyenda sa Republic Act. No. 10867 na mas kilala bilang National Bureau of Investigation Reorganization Act para mapabilang sa kanilang tungkulin ang pagpuksa sa mga illegal recruiters.

Sinabi din ni Magsino na kinakailangan ang expertise ng NBI para maharap nito ang masalimuot at komplikadong kaso ng illegal recruitment na kinasasangkutan ng malalaking sindikato kung kaya’t patuloy umano itong namamayagpag sa kabila ng mga isinagawang kampanya laban dito.

“The complexities of contemporary investigative work present numerous challenges particularly concerning intricate and contentious crimes that touch upon vital national interests. Gathering and handling evidence to navigate the criminal justice system has become increasingly intricate,” ayon kay Magsino.

Samantala, ipinahayag din ni Magsino na bilang principal author ng Magna Carta for Seafarers sa Kongreso. Ikinagalak nito ang pagkaka-apruba ng Senado sa counterpart measure na Magna Carta for Seafarers sa ilalim ng Senate Bill No. 2221 na inaasahang magbibigas aniya ng mas maayos at disenteng pamumuhay para sa mga Pilipino seafarers.

Pinasalamatan din ng OFW Party List Lady solon si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa ipinagkaloob nitong suporta sa kaniyang panukalang batas matapos nitong ipag-utos na ang nasabing panukala ay isang “urgent measure” kaya mas lalong napadali ang pagkakapasa nito.