BARMM

Pagpapaliban ng halalan sa BARMM sinuportahan ng 4 na Bangsamoro gob

138 Views

SUPORTADO ng apat na gobernador mula sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) ang pagpapaliban sa unang parliamentary elections sa rehiyon upang magkapaglaan ng sapat na oras para resolbahin umano ang mga isyu bago makapaghalal ng mga bagong mamumuno sa rehiyon.

Sa isang pahayag, inilatag nina Basilan Governor Jim Hataman Salliman, Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong, Jr., Maguindanao del Norte Governor Abdularaof Macacua, at Tawi-Tawi Governor Yshmaeli Sali ang mga dahilan kung bakit pabor sila sa pagpapaliban ng eleksiyon, kabilang na ang hindi pagsasama sa Sulu na dapat umano’y parte ng BARMM.

Tatanggalan umano ng karapatan ng nakatakdang eleksiyon ang mga mamamayan ng Sulu ng pantay na representasyon dahil sa nakaraang desisyon ng Korte Suprema na hindi parte ang Sulu ng BARMM, kahit na nakadikit na pagkakakilanlan ng probinsya sa rehiyon.

Higit pa rito, kailangan din umanong paglaanan ng mga mambabatas ng panahon ang bagong gawang probinsya na Kutawato at kung paano ang magiging representasyon nito sa parliamento.

Dagdag pa ng mga gobernador, marapat lamang na ipagpaliban ang eleksiyon dahil hindi magiging pantay ang representasyon sa BARMM kung matutuloy ang eleksiyon dahil kulang ang district representative na mauupong miyembro ng parliamento kung matutuloy ang eleksiyon dahil sa hindi pa nareresolbang hatian ng mga distrito.

“This purposeful resetting is intended to ensure that the electoral process is conducted with integrity and safeguards the fundamental right of suffrage by creating the conditions indispensable for its meaningful exercise,” saad ng mga gobernador.

“This is not a decision taken lightly, but one born out of necessity, a commitment to rectify legal discrepancies, address political realities, and ultimately pave the way for a truly representative and democratic Bangsamoro government,” dagdag pa ng mga ito.

Nanawagan rin ang mga gobernador sa kongreso na suportahan ang kanilang desisyon sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas upang mapagpaliban ang eleksiyon hanggang Mayo 2026.

Nanindigan din naman ang mga gobernador na hindi pulitika ang sanhi ng kanilang panawagan dahil responsibilidad umano ng lehislatura ang pagsasaalang alang ng kapakanan ng mga residente ng BARMM.

Suportado rin naman ng mga lider ng Senado at House of Representatives ang panukalang pagpapaliban ng eleksiyon. Kasalukuyan din naman na nakalatag ang mga panukalang batas Kongreso na layong ipagpaliban ang eleksyon sa BARMM.