Belmonte

Pagpapaputok sa bahay-bahay bawal– QC gov’t

222 Views

NAGLABAS ng utos ang Quezon City government at ipinagbawal ang pagpapaputok sa mga bahay-bahay.

Ayon sa Executive Order 54 s-2022 na pirmado ni Mayor Joy Belmonte, maaari lamang magpaputok sa mga itinakdang lugar ng city government.

“We want to minimize, if not totally eliminate, the number of firecracker-related injuries and casualties. We also want to protect homes, commercial buildings and other structures against incidental fires and to lessen the harmful effects of hazardous chemicals and pollutants,” sabi ni Belmonte.

Kailangan umanong kumuha ng permiso mula sa Department of Public Order and Safety (DPOS) bago magamit ang isang pampublikong lugar para sa firework display.

Ipinaalala rin ni Belmonte na tanging ang mga mayroon lamang clearance mula sa DPOS at special permit mula sa Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang maaaring magbenta ng mga pinapayagang paputok alinsunod sa Ordinance No. SP-2618, S-2017.

“The sale of the same in places such as public sidewalks, tiangges, stores and similar establishments shall be strictly prohibited,” dagdag pa ni Belmonte.

Ipinagbabawal din ang pagbebenta o pagbibigay ng paputok sa mga minor de edad.

Inatasan ni Belmonte ang Barangay and Community Relations Department (BCRD) na agad ipamahagi ang guidelines kaugnay ng paputok sa 142 barangay ng lungsod.

Ang Quezon City Police District (QCPD) ay inatasan naman na ipatupad angmga utos.

Sa ilalim ng Ordinance No. SP-2587, S-2017 ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P5,000 o makukulong ng isang taon o pareho.