Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino

Pagpapatibay ng Kuwaiti Appellate Court sa 16 taong pagkakakulong sa pumatay kay Jullebee Ranara, ikinagalak

Mar Rodriguez Feb 27, 2024
145 Views

IKINAGALAK ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pagpapatibay ng Kuwaiti Appellate Court sa hatol o conviction na labing anim na taong pagkakakulong laban sa pangunahing suspek na pumaslang sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jullebee Ranara.

Sinabi ni Magsino na bagama’t hindi kuntento ang pamilya ni Ranara sa naging parusa ng Hukuman sa Kuwait laban sa pangunahing salarin na brutal na pumatay kay Ranara. Gayunman, nagpapasalamat parin ang OFW Lady solon sa legal team ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ipinaliwanag ni Magsino na malaki aniya ang naitulong ng DMW legal team upang makamit ng pamilya ni Jullebee Ranara ang tagumpay. Habang umaasa din siya na magpapatuloy ang tulong at suporta ng pamahalaan sa pamilya ng pinaslang na OFW hanggang sa civil action for damages.

Sa kabilang banda, nais natin magpasalamat sa DMW at sa legal team ng ahensiya na nag-asikaso sa kasong ito. Sana’y patuloy nilang tulungan ang pamilya ni Jullebee hanggang sa civil action for damages, hindi man nito mapapawi ang hinagpis ng pamilya. Subalit kahit papano’y nakamit parin nila ang hustisya,” sabi ni Magsino.

Pinasalamatan din ni Magsino si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa kanilang dedikasyon na mabibigay ang hustisya para sa mga OFWs na nahaharap din sa kaparehong sitwasyon katulad ng kalunos-lunos na sinapit ni Ranara.

Kasabay nito, suportado ni Magsino ang isinusulong na panukala o proposal para pag-aralan ng pamahalaan ang pag-aalis ng “deployment ban” ng mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.