Rep Madrona

Pagpapatupad ng DOTr ng speed limit para sa bus at truck pinapurihan

Mar Rodriguez Jan 30, 2025
17 Views

PINAPURIHAN ng vice-chairman ng House Committee on Transportation na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang Department of Transportation (DOTr) dahil sa pagpapatupad nito ng speed limit para sa mga pampasaherong bus at mga truck.

Ayon kay Madrona, Chairman din ng House Committee on Tourism, napapanahon ang nakatakdang implementasyon ng DOTr ng mandatory speed limit upang maiwasan ang laganap na aksidente sa mga lansangan dahil sa walang ingat ng pagmamaneho.

Pagdidiin pa ni Madrona na ang kadalasang pinagmumulan ng mga malagim na aksidente ay ang mga drayber ng mga pampasaherong bus at malalaking truck na mistulang mga “hari ng lansangan” dahil sa kanilang walang habas na pagmamaneho.

Sinabi ng kongresista na maiiwasan ang mga aksidente sa mga lansangan dahil sa mga barumbadong drayber ng bus at truck kung mahigpit na ipapatupad ang speed limit sa pamamagitan ng pagkakabit ng speed limiter divice sa mga pampasaherong bus at truck.

Ipinaliwanag pa ni Madrona, isang Abogado, na alinsunod sa itinatakda ng Road Speed Limiter Act o mas kilala bilang Republic Act No. 10916. Inoobliga ng nasabing batas ang mga operator ng mga pampasaherong bust at truck na magkabit ng speed limiter device.

Binigyang diin nito na sa pamamagitan ng speed limit. Hindi na aniya uubra ang barumbadong pagmamaneho ng mga drayber ng mga pampublikong bus at truck sapagkat lilimitahan na lamang sa 90 kilometro kada oras ang kanilang maximum speed.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang kadalasang inirereklamo ng ilang motorista ay ang mga drayber ng mga bus at truck na hindi maingat sa kanilang pagmamaneho kaya nangyayari ang mga aksidente.