Artes

Pagpapatupad ng odd-even scheme kinansela ng MMDA

Edd Reyes Jun 1, 2025
34 Views

KINANSELA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng odd-even scheme makaraang ipasiya ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipagpaliban ang rehabilitasyon ng kahabaan ng EDSA.

Nais ng Pangulong Bongbong Marcos na humanap ng panibagong paraan upang mapagaan ang hirap na daranasin ng mga mananakay sa gagawing rehabilitasyon ng EDSA kasabay ng utos sa Department of Transportation (DoTr) at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-aralan munang mabuti ang plano lalu na’t may mga makabagong teknolohiya na puwede namang gamitin

“Mayroon tayong mga nakita na bagong teknolohiya na hindi natin ginamit sa pagplano ng EDSA rehabilitation kaya ininstructionan ko si Transportation Secretary Vince Dizon at si Manny Bonoan ng Department of Public Works and Highways at sinabi ko pause muna doon sa rehabilitation,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na ang pagsuspinde sa rehabilitasyon ay isang paraan upang suriin muli ang plano upang hindi lumikha ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa loob ng dalawang taong pagkukumpuni.

“The postponement will give us time to look for other traffic mitigating options for the EDSA Rebuild which will be less than burdensome to motorists and commuting public” sabi ni Artes.

Nilinaw naman ni Artes na itutuloy pa rin nila ang implementasyon ng umiiral na number coding scheme o ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) sa Metro Manila.