Calendar
Pagpigil sa patuloy na pagkalugi ng magsasaka ng asukal hiniling
PINURI ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang desisyon ng Department of Agriculture na pansamantalang itigil ang pag-angkat ng asukal ngayong 2026.
Gayunman sinabi niyang hindi ito sapat upang mapigilan ang patuloy na pagkalugi ng mga sugar farmer at manggagawa.
Nanawagan si Zubiri ng mas matibay at agarang interbensyon ng pamahalaan sa gitna ng pagbagsak ng mill gate prices na mas mababa na sa gastos sa produksyon at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga farm inputs.
“They need more help beyond this pause on sugar imports, whether that is through capital infusion, or through a government buying program that will ensure stable income for our sugar farmers and workers, and equitable prices for consumers. We need a strong and decisive DA and SRA to stabilize the mill gate price of sugar,” ayon kay Zubiri.
Iginiit din niya ang ganap na paggamit ng Sugar Development Fund sa ilalim ng Sugar Industry Development Act upang matiyak na may konkretong tulong na nararamdaman ng mga magsasaka, lalo na sa panahon ng tuluy-tuloy na pagkalugi.
“We pour a billion pesos into the Sugar Development Fund every year, so I hope that this is reaching our farmers. Kapag ganitong nalulugi na ang mga magsasaka, dapat saluhin na sila ng SRA by providing better infrastructure, credit and research and development support. If we can maximize the use of the SDF now, we can even push for its increase, para mas maraming magsasaka pa ang matulungan natin,” aniya.
Mula nang magsimula ang milling season noong Oktubre 2025, bumagsak ang mill gate prices mula P2,200 kada 50-kilogram na bag patungong humigit-kumulang P2,075 pagsapit ng huling linggo ng Disyembre. Noong 2024 milling season, umaabot pa sa P2,400 hanggang P2,500 kada bag ang presyo ng asukal.
“Grabe ang hirap na kinakaharap ng sugar farmers natin ngayon. Napakamahal na nga ng farm input, palugi pa ang bentahan ng asukal,” ayon kay Zubiri.
“What used to be P2,500 per bag of raw sugar is now down to P2,000 per bag, while the costs of labor, fertilizer and pesticides have been increasing,” dagdag pa niya.
“Napakabigat po ng P300 o P500 na lugi ng mga sugar farmers sa kada bag ng asukal. Paano po nila mapapakain ang kanilang mga pamilya, masasahuran ang kanilang mga manggagawa, at mapaghahandaan ang susunod na crop season kung wala silang kinita ngayong taon?” aniya.
Sinabi ng senador, na isa ring rehistradong agriculturist, na limitado ang kapital ng maraming sugar farmer, lalo na ng mga agrarian reform beneficiaries, kaya mahirap para sa kanila ang sumalo sa biglaang pagbagsak ng presyo.
“Hindi naman malaki ang kapital ng mga magsasaka ng asukal, lalo na at karamihan sa kanila ay mga agrarian reform beneficiaries. It is difficult for them to survive such a drastic fall of mill gate prices,” ayon kay Zubiri.
Batay sa datos ng Sugar Regulatory Administration, 84 porsiyento sa 88,000 sugar farmer sa bansa ay maliliit na magsasaka na may mas mababa sa limang ektarya ng lupa.
“We cannot leave our farmers to deal with this crisis on their own. When tens and thousands of already marginalized farmers are operating at a loss, the government has to step in,” aniya.
“Nagpapasalamat tayo na itinigil na muna ng Department of Agriculture ang pagpasok ng imported sugar ngayong 2026, para naman magkaroon ng pagkakataon ang ating mga magsasaka na makapagbenta sa mas-makatarungang presyo,” dagdag niya.
“Pero dahil may over-importation tayo ng asukal nitong nakaraang taon, hindi talaga agad na makaka-recover ang ating sugar farmers,” ayon pa kay Zubiri.
Bukod sa agarang price support, binigyang-diin din ni Zubiri ang problema ng smuggling at ilegal na pagpasok ng mga sugar substitute na maaaring makasira sa pagbangon ng industriya kung hindi agad matutugunan.
“We have to look out for the illegal entry of sugar and sugar substitutes such as high-fructose corn syrup in the country. Alam natin na may mga pumapasok diyan na asukal through technical smuggling. Ang laking dagok po niyan sa mga sugar farmers natin. We cannot fully rectify this sugar crisis if we don’t clamp down on this smuggling,” giit niya.

