Calendar
File photo
Pagpondo sa gov’t infra projects di dapat ihinto dahil sa flood control issue
IGINIIT ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na hindi dapat gawing dahilan ang korapsyon upang pabagalin o ihinto ang paggastos ng pamahalaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura, dahil maaari itong magdulot ng pagbagal ng paglago ng ekonomiya at direktang makaapekto sa mamamayan.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Finance, sinabi ni Gatchalian na ang korapsyon ay dapat tugunan sa pamamagitan ng pananagutan at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot, at hindi sa pamamagitan ng pagbabawas o pagtigil ng mahahalagang programa sa imprastraktura.
“Hindi pwedeng maging dahilan ang korapsyon para tanggalin ang mga programa sa imprastraktura, dahil kung hindi ay ang mamamayan natin ang magdurusa. Ang solusyon sa korapsyon ay sampahan ng kaso ang mga may sala, ikulong sila, at papanagutin,” ani Gatchalian.
Tinukoy niya ang binawasang badyet ng Department of Public Works and Highways ngayong taon na nasa P521 bilyon. Katumbas ito ng humigit-kumulang 4.5 porsiyento ng gross domestic product, mas mababa sa 5 porsiyentong target na madalas ituring ng mga ekonomista at tagaplano bilang mahalaga upang mapanatili ang tuluy-tuloy na pag-unlad na pinangungunahan ng imprastraktura.
Ayon kay Gatchalian, ang pagbaba ng alokasyon ay naganap kasabay ng masusing pagbusisi sa mga proyekto ng flood control, na nagdulot ng pagbagal sa paggasta para sa imprastraktura.
“Mula noon pumutok ang isyu sa flood control, nagkaroon na ng pagbagal sa paggasta para sa imprastraktura. Kaya maraming natirang pondo para sa imprastraktura na maaaring ituloy para sa 2026. Kailangan nating mag-adjust. Hindi ito pwedeng maging permanente. Kailangan pa rin nating gumastos ng 5% ng GDP o higit pa para sa imprastraktura,” aniya.
Matagal nang itinuturing ang paggastos sa imprastraktura bilang mahalagang salik sa paglikha ng trabaho, lalo na para sa mga manggagawa sa konstruksyon, maliliit na kontratista, at mga supplier, gayundin sa pagpapabuti ng koneksyon sa mga lalawigan at transportasyon sa mga lungsod. Nagbabala ang mga ekonomista na ang matagal na kakulangan sa pamumuhunan ay maaaring magpataas ng gastos sa logistics at magpahina sa paglago ng ekonomiya.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat sabayan ng tuloy-tuloy na pampublikong pamumuhunan ang kampanya laban sa korapsyon, dahil ang tuluyang paghinto ng mga proyekto ay magdudulot ng pinsala sa mga komunidad na umaasa sa mga kalsada, tulay, at flood control systems.

