Calendar
Baril sa loob ng bagahe ng 76-anyos na lolo buking ng mga awtoridad
TIMBOG ang 76-anyos na lolo nang mabuking sa loob ng kanyang bagahe ang hindi lisensiyadong baril noong Linggo sa Puerto Princesa International Airport sa Palawan.
Sa tinanggap na ulat ni Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) Director P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., patungo ang pasaherong lolo sa Cebu bilang connecting flight sa Davao nang mapuna ng security screening officer (SSO) ng Office of Transportation Security (OTS) ang imahe na tila baril nang dumaan sa X-ray screening ang kanyang bagahe.
Dahil dito, nagsagawa ng mano-manong pagsusuri ang mga tauhan ng OTS at nadiskubre sa loob ng bagahe ng lolo ang kalibre .38 revolver na walang kaukulang dokumento o lisensiya.
Ayon kay Bartolome, nasa kostudiya na ng Puerto Princesa International Airport ProServices (IAPS) ang nadakip na lolo na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition and Regulation Act.
“The strong partnership between the Office for Transportation Security (OTS) and PNP AVSEGROUP is key to maintaining peace and order in airports nationwide,” pahayag pa ni Bartolome.
Samantala, naharang ng mga SSO ng OTS noong Biyernes ang isang bala na nakabalot sa pulang tela mula sa isang 85-anyos na babaeng pasaherong patungong General Santos sakay ng Cebu Pacific sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Nag-trigger ng alarma ang walkthrough metal detector, dahilan upang isagawa ang body frisking procedure. Sa prosesong ito, natuklasan ng SSO ang nakatagong bagay na nakabalot sa pulang tela sa baywang ng pasahero.
Isinailalim ang kahina-hinalang bagay sa X-ray screening at binuksan ng baggage inspector. Nakita ang isang buhay na bala ng 5.56 caliber, na kinumpirma ng PNP AVSEGROUP officer na naka-duty.
Matapos maitala ang insidente, agad na pinayagang makasakay ang senior citizen na pasahero nang walang pagkaantala.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang seguridad habang pinapanatili ang kaginhawaan ng lahat ng pasahero, lalo na ang mga senior citizen na bumibiyahe sa mga paliparan.
Binigyang-diin ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz ang kanyang paggalang sa kulturang Pilipino ng pagdadala ng anting-anting, ngunit nagbabala na ang mga anting-anting na gawa sa bala, lalo na kung walang kaukulang lisensiya at permit, ay mahigpit na ipinagbabawal sa lahat ng pasilidad ng transportasyon sa bansa.
“Ang lagi po naming paalala lalo na po sa mga pasahero na patuloy na nagdadala ng bala bilang anting-anting sa airports, muli po, ito ay ipinagbabawal at maaaring makaabala sa inyong biyahe.
Nirerespeto po natin ang kanilang paniniwala sa anting-anting, pero higit po sa lahat, ay kailangan po natin panatilihing free from any prohibited items ang ating mga eroplano at paliparan,” ani Cruz.

