Calendar
BI agents na-intercept 2 muntik mabiktima ng human trafficking
NA-intercept noong Enero 7 sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang babae na muntik nang mabiktima ng human trafficking at nagpanggap pa na empleyado ng House of Representatives upang itago ang kanilang ilegal na pagkaka-recruit.
Pinigilan ng mga opisyal ng BI ang dalawang kababaihan, edad 25 at 26, na sumakay ng eroplano ng Vietnam Airlines patungong Vietnam.
Sa unang inspeksyon, nagpakilala ang mga pasahero bilang mga turista at sinabing encoder ng House of Representatives subalit napansin ng mga immigration officer ang mga hindi tugmang pahayag at dokumento.
Sa karagdagang pagtatanong, lumabas na peke ang kanilang mga sertipiko ng trabaho.
Inamin ng mga kababaihan na sila ay na-recruit online ng isang babae at bawat isa ay nagbayad ng higit sa P100,000 para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.
Inutusan sila ng recruiter na magtungo muna sa Vietnam at doon hihintayin ang kanilang visa at mga papeles para sa Bulgaria, kung saan sila umano magtatrabaho nang ilegal bilang crew sa isang restawran.
Mariing kinondena ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang naturang modus.
“Ito ay malinaw na indikasyon ng human trafficking—pekeng employment documents, maling deklarasyon, at utos na maghintay ng papeles sa ibang bansa.
Walang Pilipino ang dapat mabiktima ng mga illegal recruiter at trafficker na nananamantala sa desperasyon at maling pangako,” sabi ni Viado.
Nagbabala rin si Viado sa publiko laban sa mga alok ng trabaho sa ibang bansa na nangangailangan ng pagpapanggap bilang turista o pagtatago ng tunay na layunin ng biyahe.

