Calendar
Pagpuga talamak na sa NBP
AMINADO ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na talamak na umano sa loob New Bilibid Prison (NBP) ang kaso ng mga presong nakakatakas tulad ng ginawa ng inmate na si Michael Cataroja.
Binigyang diin ni Valeriano na ang insidente o pangyayari kay Cataroja ay hindi na aniya maituturing na isang “isolated case” o kataka-taka partikular na sa loob ng maximum security compound ng NBP.
Ipinaliwanag ni Valeriano na ang kaso ng pagtakas o pagpupuslit ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na gaya ni Cataroja ay hindi na umano bago sa loob ng pambansang piitan. Sapagkat hindi naman aniya ito mangyayari kung walang “basbas” ng taong namamahala sa NBP.
Sinabi ng kongresista na napaka-imposibleng makatakas o makapuslit mula sa kaniyang selda ang isang preso lalo na at nakapiit siya sa loob ng maximum security compound na mahigpit ang seguridad kung walang pahintulot o kaya ay basbas ng sinomang makapangyarihang tao sa loob ng NBP.
“The case of Cataroja can no longer be an isolated case. Especially in the maximum prison, how can anyone escape without the blessing or basbas or the ways and means of someone in authority?”, sabi ni Valeriano.
Muling binigyang diin ng kongresista na ang nakakadismayang kaganapan sa loob ng NBP ay malinaw na nagpapakita ng “betrayal of public trust” o ang lantarang paglapastangan ng sinomang opisyal sa loob ng pambansang piitan. Sapagkat sinisira umano nito ang tiwala sa kaniya ng publiko.
“Ang masama nito, there is betrayal of public trust. Saan mo man ibaling ang isip at mata mo sa gobyerno, may mga tao o opisyal talaga ang sinisira ang tiwala ng publiko sa kanila. Tapos hihingi sila ng dagdag na budget,” ayon kay Valeriano.
Nagpahayag din ng labis na pagkadismaya ang mamababatas dahil sa mga tiwaling opisyal na sumisira sa imahe ng pamahalaan dahil ang mga isyung sumasambulat ay ikinukulapol sa mga tauhan sa gobyerno.
“If you ask the youth paaano ba magtaksil sa bayan? Ang laging papasok sa kanilang isipan ay ang mga taong nasa gobyerno. Kaya itong pangyayari sa loob ng NBP ay talagang nakakasira sa imahe ng ating pamahalaan,” dagdag pa ng mambabatas.
Inamin ni Cataroja na tumakas siya noong July 7, 2023 bandang alas-nuwebe ng umaga matapos nitong samantalahin ang pagpasok ng truck ng basura. Kung saan, pumasok siya sa ilalim ng truck hanggang sa tuluyang makalabas sa compound ng NBP at makatas papuntang Angono, Rizal.