Sotto

Pagsasampa ng kaso ni bossing Vic Sotto vs Darryl Yap. Tama lamang — Valeriano

Mar Rodriguez Jan 11, 2025
11 Views

PARA kay Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano, nararapat lamang umano ang ginawa ng beteranong actor-comedian na si Vic Sotto patungkol sa pagsasampa nito ng kaso laban kay movie Director Darryl Yap kaugnay sa kontrobersiyal nitong pelikula na “The Rapists of Pepsi Paloma”.

Ayon kay Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, maituturing ang paghahain ng kaso ni Vic Sotto laban kay Yap na pamamaraan din upang tuluyan ng matuldukan ang hindi mamatay-matay na issue tungkol sa kontrobersiyal na kaso ng di-umano’y panghahalay kay Pepsi Paloma noon pang 1982, 43 taon na ang nakakaraan.

Nauna rito, ipinahayag ng kongresista na ang napipintong pagsasa-pelikula sa kuwento ng dating starlet noong 80’s na si Pepsi Paloma o Delia Dueñas Smith sa tunay na buhay ay kinakailangang nakabatay sa mga dokumentong nailahad na sa Korte upang maprotektahan ang karapatan at reputasyon ng mga taong di-umano’y isinasangkot sa kaso ng namayapang sexy-actress.

Pagdidiin ni Valeriano na kinakailangang isa-alang-alang din sa nasabing kontrobersiyal na pelikula ang karapatan ng mga inaakusahan sa halip na ang pagbatayan lamang sa storya nito ay ang mga dati ng mga kuwento o alingasngas na wala naman talagang matibay at mabigat na pinagbabasehan.

Bunsod ng pagsasampa ng kaso ni Vic Sotto, mayroon din palagay si Valeriano na mistulang inabuso umano ni Darryl Yap ang “discretion” nito dahil lumalabas na hindi muna nito kinonsulta ang actor at iba pang personalidad bago nito ginawa ang kaniyang pelikula.

“It is high time this controversy was put to rest albeit via legal means through the filing of Vic Sotto. Whenever you look at it, Mr. Yap abused his discretion in producing and advertising his film. He should be held liable in his act,” sabi nito.

Paliwanag pa ng mambabatas na karapatan lamang ni Vic Sotto na tinaguriang “Bossing” na maghain ng kaso sapagkat nais lamang nitong pangalagaan ang kaniyang pangalan at legacy sa pelikulang Pilipino na tila nadudungisan dahil sa pilit na pagdadawit sa kaniya sa kaso ng isa sa mga tinaguriang “soft-drink” beauty noong Dekada 80.

“It is within the right of Mr. Vic Sotto whose name and legacy are tainted in what Mr. Yap had done. His resort to legal remedies are proper and just,” dagdag pa ng kongresista.