Calendar
Pagsiguro ng kaligtasan ng mga MRT-3 pasahero paigtingin — Lopez
IPINAG-utos ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa pamunuan ng MRT-3 na lalong paigtingin ang safety protocols sa rail line kasunod ng technical glitch ng isang tren noong Martes sa pagitan ng Santolan at Ortigas Ave. stations.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero sa lahat ng transport hubs.
Sinabi ni Secretary Lopez na dapat nasusunod ang mga safety protocol at best practices kagaya ng mga rail lines sa Japan tuwing may aberya sa riles upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero sa lahat ng oras.
“The President wants all our transport hubs to be safe for passengers. Gusto nating maayos at mabilis ang implementasyon ng safety protocol sa lahat ng riles ng tren para maging maagap tayo at matiyak ang kahandaan natin sa ano mang mga untoward incidents,” ani Secretary Lopez.
Dagdag pa ng Kalihim, mayroon ding dapat train marshals, Philippine Coast Guard (PCG) personnel at mga security teams na aalalay sa mga pasahero.
Kasamang pinulong ng Kalihim ngayong Huwebes sina MRT-3 General Manager Mike Capati, Sumitomo Corp. representative Hidenori Sunohara, CRRC Dalian Senior Regional Manager Damien Chang at technical at engineering teams ng MRT-3 at Sumitomo Corp.

