Luxury Dumalo si DPWH Secretary Vince Dizon sa Bureau Of Customs matapos ang isinagawang public auction ng mga luxury vehicles habang inaalalayan ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.

PH kumita ng P38.21M sa mga Discaya

Jon-jon Reyes Nov 20, 2025
296 Views

TATLO sa pitong luxury vehicles na nasabat mula sa mga kontrobersyal na contractor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya ang naibenta na sa public auction ng Bureau of Customs (BOC) noong Huwebes.

Batay sa datos ng BOC, ang auction ng tatlong sasakyan ay nakakolekta ng kabuuang P38,211,710 mula sa dalawang bidder–ang Simplex Industrial Corp. (dalawang sasakyan) at Lestrell Jewelries (isang kotse).

Binili ng Simplex Industrial ang Mercedes-Benz G500 (2019) Brabus sa halagang P15,500,000 at ang Mercedes Benz G63 AMG (2022) sa halagang P15,611,710.

Nakuha ng Lestrell Jewelries ang Lincoln Navigator (2022) sa halagang P7,100,000.

Pitong luxury vehicles ang inaalok para sa auction: Toyota Tundra (2022), Toyota Sequoia (2023), Bentley Bentayga (2022), Rolls-Royce Cullinan (2023), Mercedes-Benz G500 Brabus (2019), Mercedes-Benz G63 AMG (2022) at Lincoln Navigator L (2021).

Ang auction ay bahagi ng inisyatiba ng Bureau of Customs sa pamumuno ni Commisionner Ariel Nepomuceno para mabawi ang mga kita na nararapat na pag-aari ng mamamayang Pilipino.

Ang mga kikitain mula sa auction ay ipapadala sa National Treasury.

Sinabi ni Commissioner Nepomuceno na inaasahan nilang makakolekta ng mahigit P103 milyon kung lahat ng pitong sasakyan ay ibebenta.

Samantala, idineklarang failed bidding para sa apat pang sasakyan dahil walang interesadong bidder.

Ang mga ito ang Toyota Tundra (2022) na may initial floor price na P4,994,079; 2023 Toyota Sequoia (P7,258,800.36); 2023 Rolls-Royce Cullinan (P45,314,391.11); at 2022 Bentley Bentayga (P17,311,121.93).

Sinabi ni Atty. Chris Bendijo, deputy chief of staff ng Office of the Commissioner, na muling magsasama-sama sila at muling magko-compute ng bagong floor price para sa mga natitirang sasakyan.

“Sa loob ng limang araw, ire-publish namin ang mga bagong floor prices at depende sa development ng iba pang sasakyan,” dagdag ng opisyal ng BOC.

Samantala, sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na hindi titigil ang gobyerno at nagsisimula pa lamang na bawiin ang mga ninakaw sa mga Pilipino ng mga sangkot sa mga anomalya sa infrastructure project.

Tiniyak niya na simula pa lamang ito ng marami pang nakaw na yaman na garantisadong maibabalik sa kaban ng bayan sa mga susunod na araw at buwan.

Nabangit din ni Secretary Dizon na malapit nang mailabas ang arrest warrant laban sa mga sangkot sa mga anomalya at marami pang nakaw na ari-arian ang hahabulin ng gobyerno para maibalik ito sa kaban ng bayan.

“Ito ay isang napakahalagang simbolo at simula ng sinabi ng ating Pangulo na hindi natin ito maaaring palampasin nang hindi ibinabalik ang pera ng ating mga kababayan,” dagdag ni Dizon.