Nograles

Pagsuspendi sa operasyon ng SMNI pagbibigay ng proteksyon sa publiko laban sa fake news

Mar Rodriguez Dec 7, 2023
156 Views

HINDI pagsikil sa press freedom kundi pagbibigay ng proteksyon sa publiko laban sa fake news ang layunin ng panawagan na suspendihin ang operasyon ng Sonshine Media Network International’s (SMNI).

Batay sa mga lumabas na impormasyon sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises, sinabi ni PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migz” Nograles na maraming beses nang naakusahan ang SMNI na nagpapakalat ng fake news bukod pa sa alegasyon ng red-tagging.

Iginiit ni Nograles na ang pagsuspendi sa operasyon ng SMNI ay hindi pag-atake sa press freedom kundi isang pagdepensa sa karapatan ng publiko na makakuha ng tamang impormasyon.

“This is not an attack on the freedom of the press. Rather, we are defending the right of the people to have accurate and true reporting so that they can formulate honest opinions and thus contribute positively to society,” ani Nograles.

“As we have heard in today’s (Tuesday) hearing, there are several instances where SMNI peddled fake news against certain public officials. They themselves are not denying these instances,” ani Nograles, awtor ng inaporubahang House Resolution (HR) No. 1499 na nananawagan sa National Telecommunications Commission (NTC) na suspendihin ang operasyon ng SMNI habang nagsasagawa ng pagdinig sa Kamara de Representantes.

Ayon kay Nograles, responsibilidad ng Kongreso na pangalagaan ang publiko laban sa peke at malisyosong impormasyon.

“As representatives of the people, us congressmen have the responsibility to ensure that the people shall be protected from false and malicious information,” sabi ni Nograles.

Pinagtibay ng komite ang resolusyon ni Nograles bago natapos ang pagdinig nitong Martes.

Nauna rito, na-cite for contempt at ipinag-utos ng komite ang pagkulong sa anchors na sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy ng programang Laban Kasama ang Bayan na umeere sa SMNI.

Sa naturang programa, sinabi ni Celiz na gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa kanyang mga biyahe.

Ayon kay House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, nagkakahalaga lamang ng P4.3 milyon ang ginastos ng mga Office of the Speaker mula Enero hanggang Oktobre 2023.

Inireklamo rin ng SMNI dahil sa red-tagging at pagpapakalat umano ng mga maling impormasyon at nadawit din sa pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay ACT Teachers Rep. France Castro.