Yamsuan

Pagsuspindi ng DILG sa byahe ng mga lokal exec suportado ni Yamsuan

113 Views

IPINAHAYAG ni Parañaque 2nd District Representative Brian Raymund Yamsuan ang kanyang suporta sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagbawal ang pagbiyahe sa ibang bansa ng lahat ng halal at itinalagang lokal na opisyal bilang paghahanda sa pananalasa ng Super Bagyong Uwan, at iginiit niyang dapat itong maging karaniwang patakaran tuwing may paparating na sakuna.

Binigyang-diin ni Yamsuan, na dating opisyal ng DILG, na mahalaga ang pisikal na presensya ng mga lokal na punong ehekutibo at iba pang kawani ng local government units (LGUs) na kasangkot sa mga gawaing may kinalaman sa disaster risk reduction and management (DRRM) upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon bago, habang, at pagkatapos ng kalamidad.

“Bilang mga lingkod-bayan, dapat palaging kapakanan ng mamamayan ang ating unahin. Dapat unahin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan lalo na kapag may paparating na kalamidad,” ayon kay Yamsuan, na nagsilbi ring dating Assistant Secretary ng DILG.

Pinuri ni Yamsuan si DILG Secretary Jonvic Remulla sa pag-utos sa lahat ng halal at itinalagang lokal na opisyal na kanselahin o ipagpaliban ang kanilang mga biyahe sa ibang bansa mula Nobyembre 9 hanggang 15, upang matiyak na sila ay makapangunguna sa kani-kanilang nasasakupan sa paghahanda, pagtugon, at pagsasagawa ng mga operasyon sa pagbangon laban sa Super Bagyong Uwan.

“Iminumungkahi namin na maging pamantayan na ang direktibang ito ni Secretary Remulla para sa lahat ng halal at itinalagang lokal na opisyal tuwing may paparating na kalamidad o anumang emerhensiya sa kanilang mga nasasakupan,” dagdag pa ni Yamsuan.

Ipinapaalala rin ni Yamsuan na noong 2019, naglabas din ang DILG ng isang memorandum na awtomatikong nagkakansela ng lahat ng foreign travel authorities at leave of absence ng mga lokal na opisyal sa mga lugar na apektado ng kalamidad, upang matiyak na nasa kanilang mga puwesto sila sa panahon ng ganitong mga pangyayari at iba pang emerhensiya.

Batay sa Local Government Code (Republic Act 7160) at sa Philippine DRRM Act (RA 10121), ang mga lokal na punong ehekutibo sa antas ng probinsya, lungsod, at munisipyo ay nagsisilbing chairperson ng kani-kanilang local DRRM councils.