Calendar
Pinangunahan ni Bishop Louie Occiano (kaliwa) ang pagdarasal ng rosaryo at Oratio Imperata para sa proteksyon laban sa Bagyong Uwan noong Sabado sa Fiat Cave Chapel sa Virac, Catanduanes. Ang panalangin ay isinagawa nang sabay-sabay sa buong Diocese of Virac habang ang lalawigan at iba’t ibang bahagi ng Bicol ay humaharap sa hagupit ng super typhoon.
Photo mula sa Archdiocese of Virac
Mga simbahan, paaralan, parish sinabihang buksan pinto para sa mga bakwit
INATASAN ng Simbahang Katoliko ang mga parokya at institusyon nito sa Metro Manila at Bicol Region na magsilbing pansamantalang kanlungan para sa mga pamilyang lumikas dahil sa Super Typhoon Uwan, na patuloy na nagdudulot ng malakas na ulan at hangin sa Luzon.
Sa magkakahiwalay na anunsiyo nitong Linggo, inatasan ng Archdiocese of Manila, Archdiocese of Caceres, Diocese of Kalookan at Diocese of Virac ang lahat ng parokya, paaralan at pasilidad ng simbahan sa kanilang hurisdiksyon na buksan ang kanilang mga pintuan para sa evacuees.
“The Archdiocese of Caceres encourages everyone to prepare for Super Typhoon Uwan with prudence, calmness and a spirit of prayer. We are called to walk together in mutual care. This is a time for co-responsibility,” ayon sa pahayag ng Archdiocese of Caceres.
Sa Catanduanes, isa sa mga unang tinamaan ng super typhoon, inatasan ng Diocese of Virac ang mga pari na buksan ang mga parokya upang magbigay ng ligtas at mapanalanging kanlungan para sa mga pamilyang naghahanap ng masisilungan.
“This initiative aims to offer warmth, prayer and hope to evacuees during the storm,” sinabi ng diocese.
Nanatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa Bicol Region, habang ang Metro Manila ay nasa ilalim ng Signal No. 3, batay sa pinakahuling abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa kabisera, nanawagan ang Archdiocese of Manila sa mga paaralan, simbahan at institusyon na may ligtas na espasyo na tanggapin ang mga naghahanap ng masisilungan mula sa epekto ng Uwan.
Gayundin, hinikayat ng Diocese of Kalookan ang mga parokya na buksan ang kanilang pasilidad. “In times of rain and fear, let us trust in God, who always cares for His people,” sinabi nito.
Samantala, inihayag ng Caritas Philippines, ang humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, na mahigpit nitong mino-monitor ang sitwasyon at nagsimula nang makipag-ugnayan sa mga diocesan social action center para sa mga hakbang sa emergency response.
“Let us remain alert, prepared and follow the advisories of local government authorities,” pahayag ng Caritas Philippines.
Operasyon sa 7 airports sa Bicol suspendido
Dahil sa epekto ng Bagyong Uwan, sinuspinde nitong Linggo ang operasyon sa pitong airport sa Bicol na pinamamahalaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, kawani at pasilidad.
Kabilang sa mga apektadong paliparan ang Bicol International Airport (BIA) sa Daraga, Albay; Naga Airport sa Camarines Sur; Virac Airport sa Catanduanes; Masbate Airport sa Masbate City; Daet Airport sa Camarines Norte; Bulan Airport sa Sorsogon; at Bacon Airport sa Sorsogon.
Naglabas ang CAAP ng notice to airmen (NOTAM) na nagsasaad ng suspensyon ng operasyon simula alas-4 ng umaga na inaasahang magtatagal hanggang alas-8 ng gabi ng Linggo.
Maaaring palawigin ang suspensyon depende sa lagay ng panahon at resulta ng on-site safety assessments.
Lahat ng biyahe patungo at mula sa mga nabanggit na paliparan ay kanselado o inilipat.
Pinapayuhan ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa mga update sa iskedyul ng biyahe, rebooking at iba pang alalahanin sa paglalakbay.
Ang mga stranded na pasahero ay tinutulungan ng pamunuan ng paliparan sa pamamagitan ng pagkain at iba pang pangangailangan, at patuloy na bibigyan ng akomodasyon hanggang sa ligtas na maibalik ang normal na operasyon.
Ang lahat ng iba pang CAAP-operated airports sa labas ng Area V ay nananatiling bukas at operational sa kasalukuyan.
Tinitiyak ng CAAP sa publiko ang pagtutok sa kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero at kawani sa gitna ng weather disturbance.
May ulat ng PNA

